Kasambahay Bill, makabubuti o makasasama sa relasyon ng amo at kasambahay?
Mayroong mahigit dalawang milyong kasambahay sa Pilipinas ang nangangamuhan upang masuportahan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Pero sapat ba ang kanilang kinikita at natatanggap na benepisyo kapalit ng serbisyo na kanilang ipinagkakaloob? Kung magkakaroon kaya ng batas na magsasaad ng mga responsibilidad ng amo at kasambahay sa isa’t isa, magkakaroon kaya ng mas maayos na sistema at relasyon sa pagitan ng dalawa? Sa isang episode ng programa ng GMA News TV na “Bawal Ang Pasaway Kay Mareng Winnie," tinalakay ni Prof. Solita “Winnie" Monsod ang House Bill 6144 o ang Kasambahay Bill (Domestic Workers Act). Ito ay ang panukalang batas na nagdedetermina ng mga benepisyong dapat tanggapin ng isang kasambahay, at mga dokumentong kailangan ipakita ng mamamasukang kasambahay sa kanyang ahensiya o amo. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga probisyong nakasaad sa panukalang batas upang madetermina kung ano ang mga karapatan at benepisyong maaaring makuha ng isang kasambahay:
- Ang mga kasambahay ay maaaring makakuha ng ‘social benefits’ katulad ng PhilHealth, SSS, at Pag-IBIG Fund. Ang mga benepisyong ito ay makatutulong sa kanilang kalusugan at sa pagsasaayos ng kanilang mga pera at ipon. Kapag mas mababa sa P5,000 ang sweldo ng kasambahay kada buwan, ang amo ang dapat magbayad ng mga benepisyong ito. Kung P5,000 naman o mas mataas ang sweldo, ibabawas na ang mga bayaring ito sa sweldo ng kasambahay.
- Para sa mga kasambahay sa National Capital Region o NCR, P2,500 ang magiging minimum wage kada buwan. Ibig sabihin nito, hindi dapat bababa sa P2,500 ang matatanggap na sweldo ng isang kasambahay kada buwan.
- Ang mga kasambahay ay dapat makatanggap 13th month pay mula sa kanilang amo kung isang taon na silang namamasukan dito.
- Kapag naka-isang taon na sa kanyang amo ang isang kasambahay, magkaroon siya ng "leave" na katumbas ng limang araw with pay o may bayad.
- Ang kasambahay ay maaaring magkaroon ng walong oras na pahinga bawat araw.
- Ang ‘Standard of Treatment’ ay isa ring karapatan ng kasambahay; sinasabi rito na hindi pwedeng saktan o abusuhin ng amo ang kasambahay lalo na sa pisikal na pamamaraan.
- Maaaring i-require ng amo na magsumite ang kasambahay ng ilang dokumento tulad ng medical certificate, barangay o police clearance, NBI clearance, birth certificate o iba pang katibayan ng kanyang pagkatao na magpapatunay na hindi bababa sa 15 taong gulang ang edad ng kasambahay. Nakasaad kasi sa panukala na dapat 15-anyos pataas ang kukuning kasambahay ang isang ‘employer.’
- Ang ‘Prohibition Against Privileged Information’ ay nagbibigay ng privacy sa mga amo. Sinasabi nito na hindi maaaring ipagsabi ng kasambahay sa ibang tao ang mga impormasyon na maririnig at malaman niya tungkol sa kanyang amo at sa buhay nito. Maaari lamang magkwento ang kasambahay sa ibang tao kung ang impormasyong nalaman mula sa amo ay may kinalaman sa krimen o seguridad.