ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Part II ng exclusive interview ni Mrs. Cristina Enrile sa 'Bawal ang Pasaway'


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
10 March 2014
CRISTINA PONCE ENRILE (Part II)
 
 
Sa kabila ng maraming beses na pagtataksil sa kanya ng mister, nanatili raw na tapat at mapagmahal si Cristina Ponce Enrile kay Senador Juan Ponce Enrile. 
 
Isa raw sa pinakamahirap na panahon para sa pamilya nina Cristina ay ang nang arestuhin ang senador dahil sa pagkakadawit sa kudeta noong panahon ni Pangulong Aquino. Isa raw ito sa mga dahilan kaya hindi siya komportable na maging aktibo sa buhay politika ng kanyang mister.
 
Ayon kay Mrs. Ponce Enrile, bagaman isa ang kanyang mister sa mga dahilan kaya napatalsik ang mag-asawang Marcos mula sa Malacanang, malapit pa rin silang magkaibigan ni dating First Lady Imelda Marcos hanggang ngayon.
 
Noong nagsimula raw ang pag-aalsa sa EDSA, si Sen. Gregorio Honasan na aide noon ni Sen. Enrile ang nanguna sa pagtiyak sa kaligtasan ng kanilang pamilya. Sa isang bahay sa Alabang daw siya itinago sa buong panahon ng EDSA Revolution. 

 
Isang sulat daw ang ibinigay sa kanya ni Sen. Enrile noon, na hindi naman niya agad nabasa dahil itinago niya ito sa lalagyan ng long-playing album. Naiyak daw siya sa nilalaman ng sulat.
 
Sa kabila ng mga sama ng loob sa kanilang pagsasama, madalas din naman daw na masaya silang mag-asawa. Kahit daw kuripot ang kanyang mister, pagdating sa kanya ay hindi siya tinitipid nito. Minsan pa nga raw ay isang 8.3 karat diamond ring ang ibinigay sa kanya ni Sen. Enrile sa kanyang birthday. 
 
Alamin ang iba pang kuwento sa buhay ni Cristina Ponce Enrile sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie kasama si Prof. Solita Monsod sa Lunes, Marso 10, ika-10:15 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.