ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Fr. Fernando Suarez sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
24 MARCH 2014 EPISODE
FR. FERNANDO SUAREZ
Daan-daan ang sinasabing napagaling na niya sa karamdaman. Dinudumog ang kanyang healing mass. Saan man siya magpunta, hinihintay siya ng mga taong maysakit.
Pero nitong nakalipas na ilang linggo, lumitaw ang mga ulat na kumukuwestiyon sa integridad ni Fr. Fernando Suarez, na tinatawag na "healing priest". Naging marangya na raw ang pamumuhay ng dati ay simple lang daw na pari. Nahilig na rin daw siya sa panonood ng professional tennis sa ibang bansa, at mamahalin na ang mga gamit sa katawan. Kasabay nito ang mga kuwestyon daw sa paghawak niya ng salapi ng itinayo niyang grupo, ang Mary Mother of the Poor Foundation (MMP).
Sa kanyang pagharap kay Prof. Solita Monsod, sinabi ni Fr. Suarez na kalmado niyang tinanggap ang mga ulat laban sa kanya. Nakatulong daw na nasa Israel siya nang lumabas ang balita, dahil mas nakapagdasal siya.
Niliwanag ni Fr. Suarez na hindi siya ang humahawak ng pera na pumapasok sa foundation, at maging ng perang direktang ibinibigay sa kanya. Maayos din daw ang 2013 audit ng foundation.
Nananatiling simple daw ang kanyang pamumuhay. Hindi raw siya pabigat kahit kanino, at umaasa lang siya sa kabutihan ng iba. Gayunman, kapag siya raw ay iniimbitahang magtungo sa isang lugar, ito ay gastos ng nag-iimbita. Hindi rin daw siya mahilig mamili dahil nahihilo siya sa mall.
Aminado siyang may isa siyang hilig na sana ay hindi niya bibitiwan, at ito ay ang paglalaro ng tennis. Isa sa mga napagaling niya ang nagbigay sa kanya ng tiket sa French Open at Wimbledon kaya niya nagawang makapanood nito noon.
Kinumpirma niyang hindi matutuloy ang pagtatayo ng isang malaking shrine at mga simbahan at kapilya sa Cavite dahil sa mga kondisyon na ipinapataw sa kanila ng dapat ay katuwang nila sa proyekto. Nakatakda silang umalis sa project site matapos ang Semana Santa.
Alamin ang iba pang isyu tungkol sa healing priest sa unang bahagi ng panayam ni Prof. Solita Monsod kay Fr. Suarez ngayong Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.
Tags: prstory, fernandosuarez
More Videos
Most Popular