ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Bawal ang angkas sa Mandaluyong, ngayong Lunes sa 'Bawal ang Pasaway'!




Mahigit isang buwan nang bawal ang lalaking magka-angkas sa motorsiklo sa Mandaluyong sa bisa ng Ordinance 550 ng lungsod. Sa ilalim ng ordinansang ito, ang mga lalaking magka-angkas sa motor ay pagmumultahin ng P2,000 or P1,000  bawat isa.
 
Sa pinakahuling tala ng lungsod, 618 ang nahuli na lumalabag sa ordinansa. Ang maari lang na magkasakay sa iisang motor ay ang mga mag-ama at may dalang ID para mapatunayan ang kanilang relasyon, mga babae at bata, o kaya ay kapwa babae.
 
Sa panayam ni Prof. Solita Monsod, sinabi ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos na umabot na sa nakababahalang antas ang krimen sa Metro Manila dulot ng mga suspek na magka-angkas sa motor. Ang taktikang kanyang naisip ipatupad sa Mandaluyong ay mula raw sa Colombia, nang kainitan ng laban sa Medellin drug cartel.
 
Kanya ring nilinaw na anim na buwan lang muna ang bisa ng ordinansa. Sakaling mapatunayang mabisa ito laban sa krimen batay sa maitatalang mga kaso sa lungsod, saka sila magdedesisyon kung palalawigin pa ang bisa nito.
 
Isang araw matapos ipatupad ang ordinansa, dumulog sa korte ang Motorcycle Rights Association. Ayon sa deputy chairman ng grupo na si Martin Misa, kahit anim na buwan lang ay hindi sila papayag na malabag ang kanilang karapatang makabiyahe. Nababahala ang grupo na ang ganitong aksion ay gayahin ng ibang lugar.
 
Paano mababalanse ang interes ng mga mamamayan at ang pagsugpo sa krimen? Alamin ang argumento ng dalawang panig sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.