Tingting at Peping Cojuangco, magsasalita na sa panawagan nilang magbitiw si PNoy
Marami ang nagulat nang sumali silang dalawa sa mga humihingi ng pagbibitiw ni Pangulong Benigno Aquino.
Sa panayam ni Prof. Solita Monsod, ipinaliwanag ng mag-asawang Jose “Peping” at Margarita “Tingting” Cojuangco ang kanilang panig sa gitna ng mga panawagang magbitiw si Pang. Aquino.
Ayon sa dating kongresista ng Tarlac, reporma lang ang kanyang hinihingi at hindi ang pagbibitiw ng kanyang pamangkin. Nagkaroon daw ng pagkakamali sa mga unang ulat.
Ayon kay Mr. Cojuangco, huli niyang nakausap ang pangulo sa Bahay Pangarap tatlong buwan na ang nakararaan. Sa kanilang dalawa at kalahating oras na pag-uusap, hiningi raw niya na magkaroon ng “shadow cabinet” na bubuuin ng mga kamag-anak ni Pnoy at sila ang magpapayo sa pangulo. Hindi raw sila nagkasundo rito ng kanyang pamangkin.
Ayon naman kay Mrs. Cojuangco, huli niyang nakausap ang pangulo sa pamamagitan ng text messages walong buwan na ang nakararaan. Ito raw ay tungkol sa resulta ng 2013 elections, nang tumakbo siya para sa senado. Hiniling daw niya na magkaroon ng reporma sa halalan nang maging patas ang bilangan ng boto.
Ano ang iba pang dahilan ng paghihiwalay ng daan ng pamilya Cojuangco? Alamin iyan sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.