Newly-appointed UN Undersecretary General Heidi Mendoza, muling sasalang sa 'Bawal ang Pasaway'
Bawal ang Pasaway: COA Commissioner Heidi Mendoza, UN Undersecretary General na
GMA News TV
October 12, 2015
Monday, 10:15 PM
Bayan o sarili?

"Nagawa ko na ang para sa bayan," ito ang pahayag ni Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza na unang pumutok ang pangalan sa kamalayan ng mga Pilipino noong maging whistleblower siya sa tinaguriang AFP Fund Scam. Isa lang ito sa mga high profile na imbestigasyon ni Mendoza sa mga pasaway na sangay ng gobyerno noong accountant siya sa COA, kaya naman pinuri siya ng mga obispong katoliko at nanawagan si Sen. Miriam Santiago na maprotektahan siya sa mga nagtatangkang patahimikin siya.
Kamakailan, muling umingay ang pangalan ni Mendoza nang mapili siyang maging United Nations Undersecretary General ng Internal Oversight Services, patunay lang raw na hindi kailangang maging corrupt para umangat sa buhay.
Sa panayam ni Mareng Winnie, sinabi ni Mendoza na hindi siya nag-apply para sa posisyon sa UN. Nagulat na lang daw siya nang may tumawag sa kanyang opisina na nagpakilalang taga-United Nations.
Masaya man sa pangyayari, inamin ni Mendoza na, na-depress siya at na-guilty na iwan ang bayan. Hindi daw siya halos makatulog. Naliwanagan lang daw siya nang may nabasa siya na sinasabing “When you’re so attached, it’s time to move on.”
Mahigit 20 taon nanungkulan sa COA si Mendoza. Ganunpaman, naging mailap sa kanya ang posisyong COA Chair. Ano kaya ang masasabi niya sa mga makapangyarihang tao na umano’y humarang sa kanyang pagtalaga bilang COA Chair? Sa ngayon, ipinangako naman ni Mendoza na kahit na iwan niya ang Commission on Audit ay hindi na mababago ang sistema ng komisyon.
Dagdag pa ni Mendoza, sa tingin niya ay nagawa na niya ang kanyang trabaho sa komisyon at baka wala na siyang maidadagdag pa. Napatunayan rin daw niya na hindi lahat ng nasa gobyerno ay gustong magnakaw.
Pagkatapos ng kanyang limang taong panunungkulan sa New York, ano kaya ang susunod para kay Comm. Heidi Mendoza? Sa pag-alis niya, ano na ang mangyayari sa mga imbestigasyon na kanyang sinimulan? Ano kaya ang pahayag ng ating presidente at bise presidente sa paglisan ni Mendoza?
Sa eksklusibong panayam ni Mareng Winnie, bubusisiin nila ang mga kontrobersyal na imbestigasyon ng COA sa ilalim ni Mendoza at ang epekto nito sa darating na Eleksyon sa 2016. May isisiwalat rin si Comm. Mendoza na una niyang iaanunsyo sa programang ito.
Abangan ang kabuuang pahayag ni Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, ngayong Lunes 10:15 ng gabi sa GMA News TV.