Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista, sasalang sa hot seat ni Mareng Winnie
GMA News TV
December 7, 2015
Monday 10:15 PM
Bawal ang Pasaway: Chiz Escudero at Heart Evangelista, makakatapat si Mareng Winnie

Sa unang bahagi ng Vice Presidentiable Series ng "Bawal Ang Pasaway" sa GMA News TV, makakapanayam ni Prof. Winnie Monsod sina Sen. Francis “Chiz” Escudero at asawa niyang si Heart Evangelista. Upang makilala nang lubusan ang mga kandidato sa pagka-bise presidente at makilatis ang kanilang mga plataporma, abangan ang mga susunod pang panauhin ng programa sa mga darating na Lunes.
“Balimbing”, ‘yan ang bansag kay Sen. Francis “Chiz” Escudero dahil sa palipat-lipat ng kanyang suporta sa magkakaibang partido. Dating NPC at spokesperson sa kandidatura ni Fernando Poe Jr, tumanggi siyang maging running-mate ni Erap Estrada noong 2010 at lumipat sa Partido Liberal, kung saan sure bet sa pagkapangulo si Noynoy Aquino III. Ngunit imbis na suportahan si Mar Roxas, si Jejomar Binay ang inendorso niya sa pagka-bise. Ngayon, kaalyado na ni Sen. Grace Poe para sa pagkabise-presidente si Chiz Escudero para sa #Eleksyon2016.

Kasunod ng pag-anunsiyo ng Poe-Escudero tandem, sari-saring isyu ang naglabasan, kabilang dito ang disqualification cases laban kay Sen. Poe. Kamakailan, pumutok ang balitang idiniskwalipika ng Commission on Elections si Sen. Grace Poe. Bilang sinasabing “mentor” daw ni Poe, posible kayang si Sen. Escudero ang humalili sa kandidatura bilang presidente? Malilipat ba kay Escudero ang suportang natipon ni Poe?
Maliban sa buhay politika, uusisain ding mabuti ni Mareng Winnie ang pribadong buhay ni Sen. Escudero. Unang-una na riyan ang pagpapakasal nito sa Kapuso actress na si Heart Evangelista sa Balesin, Quezon Province.
Binatikos ang ‘di umano'y "second poorest" Philippine Senator dahil sa napaka-garbong kasal sa isa sa pinakamamahaling eksklusibong isla sa bansa, ang Balesin. Ayon sa mga kritiko, lumabag ang senador sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees or RA 6713 na nagsasabing , "public servants and their families shall lead modest and simple lives appropriate to their positions and income.” May pagbabawal din “to not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form." Matapos usisain ang kanyang SALN, tanong ni Mareng Winnie: kasal na milyon-milyon ang ginastos, paano kaya na-afford ni Chiz? Hindi ba dapat simot na ang kanyang ari-arian?

Nasabi ring mayroong conflict of interest ang senador dahil sa mga ninong at ninang na kinuha nila sa kasal, lalong-lalo na kay Alphaland Director and Chairman of the Board, Roberto Ongpin na siyang sangkot sa Boyscout-Alphaland Controversy na iniimbestigahan ng Blue Ribbon Committee sa senado.
Ano nga ba ang totoong kuwento sa likod ng kasalang Chiz Escudero at Heart Evangelista? Ano naman ang say ni Heart sa mga isyung kinakaharap ng kaniyang asawa?
Ngayong Lunes, abangan ang eksklusibong panayam ni Mareng Winnie kay Sen. Chis Escudero at Heart Evangelista sa unang bungad ng Vice Presidentiable series ng Bawal ang Pasaway, 10:15 PM sa GMA News TV.