ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Rocco at Mommy Linda Nacino, tampok sa Women's Month special ng 'Bawal ang Pasaway'


GMA News TV
March 14, 2016
Monday 10:15 PM
 
Bawal ang Pasaway: Women's Month kasama si Rocco at Mommy Linda Nacino
 
Breast Cancer is not a death sentence.
 
 
17 taon na ang nakararaan nang malaman ni Linda Nacino, ina ng aktor na si Rocco Nacino, na may Stage 2 breast cancer siya.
 
Nakabase noon sa bansang Singapore ang pamilya nila Rocco. Isang gabi habang nakadapa si Linda ay may naramdaman siyang matigas na bahagi sa parte ng kanyang kanang dibdib kaya’t agad siyang nagpatingin sa isang espesyalista. Ayon sa doktor, maaaring isa lamang itong pamamaga ng kanyang mammary gland ngunit makalipas ang isang buwan na pag-inom ng gamot ay hindi pa rin nawala ang pamamaga. Dito na niya napagdesisyunang magpa-biopsy, at nalaman niyang ito nga ay cancer.
 
 
 
Dahil dito, lumipad pabalik sa Pilipinas si Linda upang magpaggamot kasama ang asawang si Ralph. Tanging ang bunsong anak lamang ang kanilang kasa-kasama sa pag-uwi sa bansa samantalang si Rocco ay naiwan sa Singapore upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
 
Hindi naging madali kay Rocco, na noon ay 12 taong gulang pa lamang, na malamang may malubhang sakit ang kanyang ina. Naalala pa ni Rocco na sa tuwing tumatawag ang kanyang ina ay napapaiyak siya sa pag aalala. Mahirap ngunit ayon sa binata ay tinuon na lamang niya ang kanyang panahon upang pagbutihin pa ang kanyang pag-aaral.
 
 
 

Hindi naman nagsayang ng oras si Linda at sumailalim siya sa mastectomy kung saan tinanggal ang kanyang kaliwang dibdib. Matapos nito ay dumaan naman siya sa isang cycle ng chemotherapy bago kinailangang magbalik sa Singapore upang ipagpatuloy ang kanilang naiwang buhay roon. Doon na niya itinuloy ang kanyang anim na cycle ng chemotherapy treatment na mag-isa niyang pinupuntahan noon dahil nagtatrabaho ang kanyang asawa at nag-aaral ang kaniyang anak.

Isa sa mga side-effect ng oral chemotherapy ay ang sobrang pagdurugo ng kanyang matres kaya’t siya ay sumailalim sa isang proseso kung saan tinanggal ang kanyang reproductive organs.

Sa ngayon ay 17 taon ng cancer free si Linda. Upang magpasalamat sa pagiging breast cancer survivor naglunsad ng isang proyektong ang mag inang Linda at Rocco na tinawag na “Piso Para sa Chemo” kung saan pwede magbigay ng donasyon ang sinoman sa pamamagitan ng paghulog sa isang plastic bottle. Ang mga donasyon na kanilang nakakalap, ibinibigay ng mag ina sa mga cancer patients sa Philippine General Hospital. Sa katunayan ay naging ambassador na rin siya ng isang kompanya sa adbokasiya nitong labanan ang breast cancer. Kasama niya rin dito ang kanyang anak na si Rocco. Nagbibigay rin ng inspirational talks si Linda sa mga taong mayroong breast cancer na pinanghihinaan na ng loob.

Lingid sa kaalaman ng iba, isang registered nurse si Rocco, at nangangarap na bumalik sa unibersidad upang mag-aral ng medisina. Oras lamang daw ang problema niya ngayong artista na siya. Ngunit nagagamit naman sa mabuti ang kaniyang kasikatan ngayong isa na siyang advocate laban sa breast cancer, at nakapagbibigay pa ng saya sa mga cancer patients.

Ngayong Lunes, ibabahagi ni Rocco kung paano niya inaalagan ang mommy niya ngayon, at kung ano ang mga tips niya sa mga may mahal sa buhay na nilalabanan ang sakit na cancer. Alamin kung ano ng pinakamahalagang mensahe na nais ipabatid ng mag-ina ngayong Women’s Month para sa kababaihan. Tuklasin din natin kung ano ang mga risk factor para sa breast cancer, at kung ano ang mga dapat gawin upang labanan ito at mamuhay muli nang normal.

Samahan si Mareng Winnie sa napapanahong talakayan kasama si Mommy Linda at Rocco Nacino sa Women’s Month special ng "Bawal ang Pasaway," Lunes 10:15 PM sa GMA News TV.

 

Tags: plug