ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Kauna-unahang transgender sa Kongreso, sasalang sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'


GMA News TV
May 23, 2016
Monday 10:15 PM

Bawal ang Pasaway: Ang Unang Transgender sa Kongreso

Na-bully noong kabataan, pero suot ang kanyang mga perlas, nanaig si Geraldine Roman at ngayo’y handa nang maupo sa ika-labing pitong Kongreso ng Pilipinas bilang kauna-unahang transgender representative sa kasaysayan ng bansa. Ano kaya ang masasabi niya sa mga nang-api sa kanya noon?

Mula sa angkan ng mga politiko sa Bataan ang 49-taong gulang na si Geraldine o Geri. Malaki raw ang naitulong nito sa kanyang tagumpay. Popular man at maimpluwensiya ang kanyang pamilya, aminado si Geri na dahil isa siyang transgender naging malaking hamon ang kanyang pagtakbo. Nakarinig daw siya ng mga pagkutya tulad ng, "kapag binoto mo yan, hindi niya alam kung saan siya magsi-CR" o di kaya'y " 'di nga nanganganak, pero dumarami parang kabute." Kapag inilalahad naman daw ni Geri ang kanyang kuwento, naiintindihan naman daw ito ng mga tao. Ang tawag nga raw sa kanya ay "Destiny Rose" ng Bataan. Pero ano nga ba ang magagawa ni Geri para sa kanyang distrito? Sino si Geraldine Roman?

Nakapagtapos ng kursong European languages major in Spanish and French sa Unibersidad ng Pilipinas si Geri. Kumuha siya ng Master's degree in Journalism sa Universidad del Pais Vasco sa Northern Spain. Nagtrabaho rin siya bilang writer at senior editor sa isang Spanish news agency sa loob ng apat na taon. Bagamat tumutulong siya noon sa mga magulang na politiko, ito ang unang pagkakataon niyang sumabak sa politika. Beginner’s luck lang ba o may nakitang pag-asa kay Geri ang kanyang mga kababayan?

Ayon kay Geri, marami siyang natutunan mula sa deka-dekadang pagsisilbi sa bayan ng kanyang mga magulang. Noong dekada sitenta pa nakaupo ang kanyang pamilya sa Kongreso. Minsan na ring natalo ang pamilyang Roman pero muli rin silang nakabalik. Ilan lang sa mga natutunan ni Geri sa kanyang mga magulang ay ang "mindset" ng pagiging isang public servant at kung paano tumulong sa kanilang mga kababayan.

Handa na raw gumawa ng mga batas si Geri. Maliban sa gender equality, marami pa siyang gustong isulong, kasama na rito ang mga batas ukol sa edukasyon at agrikultura.

Kilalanin si Congresswoman-elect Geraldine Roman, ang unang transgender na mauupo sa Kongreso sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ngayong Lunes, pagkatapos ng State of the Nation sa GMA News TV.

Tags: plug