Tunggalian ng mga Davide at Garcia sa Cebu, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
GMA News TV
June 13, 2016
Monday 10:15 PM
BAWAL ANG PASAWAY: Davide vs. Mga Garcia
Tapos na ang eleksyon pero tuloy pa rin ang patutsadahan!

Taong 2013 nang wakasan ni Hilario Davide III ang labing-walong taong panunungkulan ng mga Garcia bilang gobernador ng Cebu. Kalaban niya noon si Pablo John Garcia, dating congressman ng Ikatlong Distrito ng Cebu, na nabigo sa planong palitan ang kapatid niyang si Gwen Garcia na sa huling termino na bilang gobernador. Nanalo man si Davide, hindi rin siya nakatakas sa mapanuring mata ng media at kaniyang mga kritiko. Ilang beses siyang nasangkot sa isyu ng kurapsyon, gayon din sa mga pabalik-balik na problema ng lungsod ng Cebu gaya ng waste management, resettlement programs at ang 93-1 ordinance kung saan marami ang nagalit at nagreklamo dahil sa perang hindi nila makuha-kuha.
Nakakagalit nga naman, pero sadya yatang malakas sa publiko si Davide dahil sa pangalawang pagkakataon, muli niyang tinalo ang mga Garcia.
Si Winston Garcia na dating general manager ng GSIS ang nakatunggali ni Davide sa nakaraang halalan. Bagamat nag-concede si Winston kay Davide, hindi ito nakabawas sa kagustuhan ni Pabling Garcia na sampahan ng kasong electoral protest si Davide.

Inakusahan pa ni Pabling ng pangungulimbat at pamemeke ng dokumento si Davide nang gamitin nito ang kaniyang PDAF noong 2015. Ano kaya ang sagot ni Davide sa mabibigat na paratang na ito?

Magbibigay ng kani-kanilang panig sina Hilario Davide III at Pabling Garcia sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, ngayong Lunes 10:15pm sa GMA News TV!