ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga Cebu pride, bibida sa 'Bawal ang Pasaway'


GMA News TV
June 20, 2016
Monday 10:15 PM
Bawal ang Pasaway: Cebu Pride

Isa sa maituturing na pinakamaunlad na probinsiya sa Pilipinas ang Cebu o ang Queen City of the South. Sa paglipas ng mga taon, kabi-kabilang industriya ang umusbong at patuloy na nagpapaunlad rito. Maituturing ding yaman ng probinsiya ang mga pagkain at mga tourist destination nito. Pero bukod rito, mayaman din sa talino at talento ang mga Cebuano na maipagmamalaki sa buong mundo.

Sa katatapos lang na Intel International Science and Engineering Fair o IISEF 2016, isang Cebuana ang nag-uwi ng parangal para sa kaniyang pag-aaral sa anti-tumor properties ng malunggay o ‘kamunggay’ kung tawagin sa Cebu.

Si Arianwen Rollan ng Cebu City National Science High School ang nag-uwi ng Special Citation at $1,000 mula sa Qatar Foundation for Research and Development in Medical Science. Ito ang pinakamalaking award-giving institution para sa mga high school scientists at researchers sa buong mundo. Siya lang ang tanging Pinoy na nabigyang parangal sa patimpalak na ito.

Ayon sa kaniya, isa sa mga nagbigay inspirasyon sa pagsasagawa niya ng research na ito ay ang pagkamatay ng kaniyang lola dahil sa cancer. Nakita niyang gumastos ng malaking halaga ang kanilang pamilya ngunit nauwi rin ang pagpapa-ospital sa wala. Sa pagpapatuloy ng kanyang pagsasaliksik, inaasahan ni Arianwen na makatutulong sa mga may sakit na cancer sa pamamagitan ng mas murang alternatibo – ang kamunggay.

Pagdating naman sa larangan ng musika, matunog ngayon sa buong Pilipinas ang Visayan Pop. Sa katunayan, isa sa mga most-requested songs sa iba’t-ibang radio stations ngayon ang Cebuano hit song na Hahahahasula. Ito ay inawit ni Kurt Fick at isinulat naman nina Rowell Ucat at Jude Gitamondoc. Ang "hasula" ay “hassle” sa wikang Ingles.

Marami ang tila naka-relate sa mensahe ng kantang ito, kahit mismo si Kurt Fick. Marami na rin ang nagsi-labasang covers nito sa Youtube.

Ang Cebuano composer nitong si Jude Gitamondoc, nakatanggap na ng iba’t-ibang songwriting awards. Ilan sa mga kantang isinulat niya ay inawit nina Gary Valenciano, Regine Velasquez, Eric Santos, at iba pa. Sumulat din siya ng ilang musical play na pumatok din sa teatro. Ang kanta nila ay isa lamang sa maraming Visayan pop songs na sumisikat sa panahon ngayon. Patunay lamang na likas ang talento ng mga Cebuano pagdating sa musika.

Kilalanin ang mga nagwawagayway ng watawat ng Cebu Pride ngayong Lunes sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.

Tags: plug