ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

VP Leni Robredo, muling sasabak sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'


 

Mula nang inanunsyo ang kanyang pagtakbo hanggang sa mga araw matapos ianunsyo ang kanyang pagkapanalo, maituturing na tunay na underdog si VP Leni. Ngunit kamakailan, binigyan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ng cabinet position si Vice President Leni Robredo. Si Robredo na ang hahawak ng Housing and Urban Development Coordinating Council. Nagpapasalamat si Robredo sa posisyon, ganunpaman, aniya kahit wala siyang posisyon hindi ito hadlang para gawin niya ang kanyang tungkulin.

"You have my full support even if without a cabinet post." Ito ang mga katagang  binanggit ni Vice President Leni  Robredo kay President Rodrigo Duterte sa kanilang unang beses na pagkikita sa isang okasyon ng Armed Forces of the Philippines. Sa okasyon na iyon, nabuo rin ang umano’y “love team” na “DuBredo” na tinatawanan pa rin ni Robredo hanggang ngayon.

Walang bahid ng sama ng loob daw si Robredo kahit malapit si Duterte sa kanyang karibal sa pagkabise presidente na si Bongbong Marcos. Si Marcos dumalo sa inagurasyon ni Duterte, pero si Robredo hindi man lang inimbita o pinag-oath taking sa parehong entablado.

Sa kaliwa't kanan na intriga, isyu sa politika at di matapos na isyu ng umano’y pandaraya sa nagdaang eleksyon, hinaharap ni Robredo ang bawat paninira at akusasyon na para bang beterano sa pulitika bagamat tatlong taon pa lamang siyang naninilbihan bilang elected official. Bago nito, naging pro-bono lawyer siya para sa mga mahihirap at nangarap na maging hukom sa Regional Trial Court.

Sa pangatlong pagkakataon, makakapanayam ni Mareng Winnie ang ngayo’y Bise Presidente na si Leni Robredo. Nagsimula man sa 1 % ang kaniyang rating sa pagsisimula ng kampanya, nagsikap ang dating congresswoman hanggang sa matalo ang pinakamahigpit na karibal na si Bongbong Marcos. Hindi man niya ginusto ang posisyon noon, itinuturing niyang “destiny” ang pagkapanalo. Pero sino ang mga nasa likod ng kanyang kampanya? May mga pinagkakautangan ba siya ng loob na sisingil sa mga pabor ngayong siya na ang pangalawang pinaka-makapangyarihang tao sa Pilipinas?

Abangan ang espesyal na panayam ni Mareng Winnie kay Vice President Leni Robredo sa Bawal ang Pasaway Kay Mareng Winnie sa loob mismo ng kanyang opisina, ang tinaguriang “Boracay Mansion” ngayong Lunes, 10:15 PM pagkatapos ng SONA sa GMA News TV.

Tags: plug