ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

DOTr Sec. Arthur Tugade, magbabalik sa hot seat ng 'Bawal ang Pasaway'


GMA News TV

Sept 5, 2016

Monday 10:15 PM

Bawal ang Pasaway: Sec. Tugade, wawakasan ang trapik?

Nagmula hirap si Department of Transportation Secretary Atty. Arthur Tugade, pero dahil sa kanyang talino at galing naging abugado si Tugade. Kalaunan, naging negosyante at milyonaryo pa. Ngayon, bagong suliranin ang humahamon sa kanyang abilidad: ang trapik sa Kamaynilaan.

Disyembre ng 2012, itinalaga ni Pangulong  Noynoy Aquino si Atty. Tugade bilang CEO ng Clark Development Corporation, isang  government-owned company. Taong 2016, nagbitiw siya sa kanyang posisyon at hayagang sumuporta sa dating kaklase na si Rodrigo Duterte nang tumakbo ito bilang presidente. Nang tanungin ni Mareng Winnie si Tugade sa halaga ng kanyang kontribusyon sa campaign fund ni Duterte, aniya hindi raw malaki at hindi rin maliit ang kanyang ibinigay. Hirit ni Tugade kay Mareng Winnie, "Happy ka na ba sa 5 milyon?"

Nang maupo bilang pangulo si Rodrigo Duterte, itinalaga si Atty. Tugade bilang kalihim ng Kagawaran ng Transportasyon. Sa kaniyang pag-upo, kaliwa't kanan daw ang mga problemang kaniyang namana: Ang buhol-buhol na trapik, ang congestion sa mga paliparan, at ang hindi matapos-tapos na isyu ng MRT. Sa dami raw ng kailangang ayusin, hindi pa raw niya matutukan ang di-umano'y katiwalian sa ahensiya. "Kapag nilista mo ang programa ng lahat ng administrasyon, pare-pareho. Puro fail. Kasi walang political will," ani Tugade. Isa raw sa mga paraan para maayos ang trapik sa EDSA ay ang pagkaloob ng dalawang taon na special powers.

Para raw magtanda ang mga pasaway sa kalsada, ipinatatapon na rin niya sa Subic ang mga natu-tow na sasakyan. Ilan rin sa inaaral ni Tugade na solusyon para maibsan ang trapik sa kamaynilaan ay ang pagdispatsa sa mga dyip na may labing limang taon gulang na, cable cars, at pagpapatupad sa isang toll system.

Ayon kay Tugade, gagawin niya ang kanyang trabaho at pilit bibigyan ng solusyon ang mga problema sa administrasyon ni Pangulong Duterte. "Ganda kong lalaki dati, ngayon puro eyebags na," pabirong sinabi ni Tugade. Dagdag pa niya, hindi siya magiging tiwali dahil nagmula siya sa pagdidildil ng asin.

Abangan ngayong Lunes ang panayam kay DOTr Secretary Atty. Arthur Tugade sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie," 10:15 PM sa GMA News TV.

Tags: plug