ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Tindero ng kendi na isa nang milyonaryo, kilalanin sa 'Bawal ang Pasaway'


GMA News TV
December 19, 2016
Monday 10:15 PM

BAWAL ANG PASAWAY: DATING TINDERO NG KENDI, MILYONARYO NA NGAYON

Bago magpasko, pakinggan natin ang nakaka-good vibes na kuwento ng isang dating pasaway na nagtagumpay sa buhay dahil sa sipag at tiwala sa Diyos.

Adik sa sugal ang ama, naging delivery boy at nagtinda ng kendi para lampasan ang kahirapan; ngayon, multi-millionaire na si Manny Valencia. Nang tanungin ni Mareng Winnie kung ilang milyon, nadidyaheng bulong ni Manny: 40 Million.

Kuwento niya kay Mareng Winnie, dahil sa pagkalulong ng ama sa sugal naging “isang kahig, isang tuka” ang pamilya ni Manny. Nagkahiwa-hiwalay silang pitong magkakapatid kaya siya pinaalagaan sa kanyang tiyahin.

Nagtapos si Manny ng high school sa tulong ng kanyang tiyahin. Noon din siya nagsimulang magbanat ng buto bilang helper sa tindahan. Matapos ang high school, nagtinda si Manny ng kendi at tinapay, noon din niya nakuha ang recipe ng longganisa na bumago sa kanyang buhay.

Sa panahong isinasaayos pa lang ni Manny ang kanyang negosyo, nakilala niya ang kanyang naging kabiyak na si Virgie. Masayang ikinuwento ng dalawa ang kanilang love story. Pitong taon si Manny pumorma bago niya nakuha ang matamis nitong “oo.” Pagod na raw siya sa kakaligaw at ipinasadiyos na ang desisyon, nang biglang umamin si Virgie na may gusto na rin siya kay Manny. Ang dalawang libong pisong regalo sa kanilang kasal ang naging puhunan ng kanilang longganisa business.

Malaking bahagi raw ng kanilang tagumpay ang mataimtim na pananalangin at paniniwala sa Diyos. Kung napasagot ni Manny si Virgie sa bisa ng kanyang mga dasal, sa Diyos rin kumapit ng dalawa para sa kanilang negosyo. Hindi raw makain at maibenta ang unang longganisa na ginawa nina Manny, pero “try and try until you succeed” ika nga. Nang makuha ni Manny ang perfect recipe, hindi na napigilan ang kanilang pag-angat sa buhay. Dito nabuo ang Joshua's Meat Products.

Hindi man maganda ang simula sa buhay, nabiyayaan naman matapos magdasal at magsikap. Pakinggan ang kuwento ng dating pasaway na nagtagumpay, ang may ari ng Joshua's Meat Products na si Manny Valencia sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa GMA News TV, Lunes 10:15 PM.

Tags: plug