Aktres na si Mila del Sol, haharap sa maiinit na tanong sa 'Bawal ang Pasaway'
Dating reyna ng labada, naging reyna ng pinilakang tabing.
_2017_01_06_14_21_53.jpg)
Mula sa pagiging alalay, biglang bida si Mila Del Sol sa unang pelikula ng isa sa pinakamalaking production company sa kasaysayan ng Pilipinas, ang LVN Pictures. Si Milagros del Sol o Clarita Rivera sa totoong buhay, ang pinakasikat na artista noong dekada '40. Ilang beses siyang naghirap pero tuloy lang ang kanyang laban. Sa edad na 93, may-ari siya ngayon ng isang matagumpay na cleaning service.
Ika-siyam sa sampung magkakapatid si Mila. Sa isang 20-square meter na bahay sa Intramuros nagsisiksikan ang pamilya niya noon. Sa laki ng kanilang pamilya, shifiting daw sila matulog. Hindi rin nakatuntong ng high school si Mila. Unang pumasok sa showbiz ang kanyang kapatid na si Sofia na kalaunan ay mas nakilala bilang Gloria Imperial. Sa kuwento ni Mila, pakiramdam niya promoted siya mula sa pagiging labandera noon nang maging Production Assistant o PA siya ng kaniyang ate. Dahil dito, napagbigyan siyang maging extra sa ilang pelikula. Noong 1939, dumating ang swerteng hinihintay ni Mila. Unang tinawag ng LVN pictures si Gloria para maging bida sa isang bagong pelikula pero pinili nitong magpakasal. Nagprisinta si Mila na siya na lamang ang kuning bida at sabi nga nila, the rest is history dahil mahigit 50 na pelikula ang kaniyang pinagbidahan mula noong “Giliw Ko” na lumabas noong 1939.

Kung kuwento ng pag-ibig ni Mila naman ang pag-uusapan, pasaway daw ang kanyang puso gaya ni Elizabeth Taylor. Tatlong beses tumibok ang puso ni Mila. Ang first love niya ay si Francisco Tambunting. Ayon kay Mila, gwapo at mayaman si Francisco. Ikinasal sila noong 1943. Nagbunga ng dalawang anak ang kanilang pagsasama, sina Sonny at Ellen. Pero matapos ang limang taon, nauwi sa hiwalayan ang relasyon nina Mila at Francisco. Muling tumibok ang puso ni Mila para sa isang Mehikano. Ikinasal siya kay Alonzo Young at nagkaroon din sila ng dalawang anak; isa rito ang artistang si Jeanne Young. Subalit matapos ang labing-dalawang taong pagsasama, naghiwalay rin ang dalawa. Sa pangatlong pagkakataon nahulog ang loob ni Mila para sa tanyag na direktor na si Eddie Romero. Nagbunga ng dalawang anak ang kanilang pagsasama.
Pero kung bigo sa pag-ibig si Mila, naging masuwerte naman siya sa negosyo.

Matapos manirahan sa Estados Unidos, nagbalik sa Pilipinas noong dekada ‘60 si Mila. Kuwento niya, dito nagsimulang mag-isip ng negosyo ang panganay niyang anak na si Sonny. Nag-aaral si Sonny noon sa Unibersidad ng Pilipinas. Hindi nagtagal, namasukan si Sonny bilang waiter sa Aristocrat. Dito nila naisip na maaari nilang subukan ang negosyong janitorial services. Sa puhunang limang daang piso, sinimulan nila ang Mila del Sol's Superior Maintenance Service.
Natatandaan pa ng apo ni Mila na si Gus na sa halos lahat ng pangangailangan ng kanilang negosyo, sila mismo ang dapat magbanat ng buto. Marketing ang nakatoka kay Mila samantalang ang operasyon naman ang nakaatang sa kaniya. Tandang tanda pa ni Gus noong nasa kolehiyo pa siya, tuwing bakasyon daw ay pinaglilinis siya ng banyo ng kanyang ama na si Sonny para matuto siyang magtrabaho. Ngayon isa nang malaki at matagumpay na cleaning service ang Mila del Sol's SMS. Kung dati sampung katao lang ang kanilang empleyado, ngayon mayroon na silang mahigit sa 10,000.
Ang kuwento ng buhay at makulay na karera sa showbiz ni Mila del Sol ang bubusisiin ni Mareng Winnie sa Bawal ang Pasaway ngayong Lunes pagkatapos ng SONA sa GMA News TV.