Pagbabalik ng death penalty at peace talks, muling babalikan sa 'Bawal ang Pasaway'
Death penalty at usaping pangkapayapaan, babalikan sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie"
Lunes, March 27, 2017
10:15 PM SA GMA News TV
Dalawa sa mainit na isyu sa bansa ngayon ay ang pagbabalik ng parusang kamatayan at ang usaping pagkapayapaan.

Noong ika-7 ng Marso, sa botong 216-54, pasado na ang House bill 4727 sa ikatlong at huling pagbasa sa Kongreso. Mula sa 21 krimen, nalimitahan na lamang ito sa mga paglabag na may kinalaman sa droga. Ito ay naipasa walong buwan matapos itong ipanukala sa mababang kapulungan.
Naging kontrobersyal ang ilang pagboto. May ilang taga Partido Liberal ang bumoto ng OO sa panukala kahit na HINDI ito ang party stand ng Liberal. Habang inalisan ng posisyon ang mga house leaders na bumoto kontra-death penalty, kabilang dito si Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo at Batangas Representative Vilma Santos-Recto.
Inaasahan naman ng Palasyo na tulad sa Kongreso, makakapasa rin sa Senado at tuluyan maisasabatas ang bagong Death Penalty Bill.
Sa kabi-kabilang mga karuma-dumal na krimen na nagaganap, sagot na nga ba rito ang parusang bitay?

Sa usaping pangkapayapaan naman, may kahinatnan na kaya ang pagbabalik ng pag uusap sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF?
Matatandaaan na tinapos ng CPP-NPA-NDF ang ‘unilateral ceasefire’ dahil hindi pa umano pinalalaya ang 400 political prisoners sa bansa at pagpapatuloy na operasyon ng AFP sa kabila ng pag-iral ng ceasefire. “Hindi rebelde, ngunit mga Terorista” yan ang itinawag ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng New People’s Army, matapos ang pagpatay sa mga sundalo sa Bukidnon. Inilunsad rin ang “all-out war” laban sa mga grupo. Kuwento ni Ka Satur Ocampo kay Mareng Winnie, umaasa siya na magbabago ang isip ng Presidente at maaayos ang usapan. Nakatakda na ang paglalabas ng panibagong “ceasefire” agreement ng magkabilang panig.
Alamin ng mabuti ang mga detalye ukol sa Death Penalty Bill at usapang pangkapayapaan. Balikan sa Lunes, 10:15 PM sa "Bawal ang Pasaway Kay Mareng Winnie" sa GMA News TV Channel 11.