Cybersex crimes, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE: CYBERSEX CRIMES
LUNES, MAY 15, 2017
10:15 PM sa GMA NEWS TV

Mga underwear at sapatos ng bata, bondage cuffs, mga kagamitan para sa paggamit ng droga, camera at hard drives ang nakitang nakakalat sa bahay ni Timothy Deakin nang mag-raid ang NBI Anti-Human Trafficking group nitong April 20. Si Deakin ay isang foreign national na nakatira sa Mabalacat, Pampanga. Pagpasok ng mga otoridad, nakita rin sa kaniyang laptop ang mga larawan ng hubo't hubad na mga bata.
Dahil mas madali na ngayong magamit ang internet, lumalaganap na rin ang pambibiktima online sa pamamagitan ng cybersex. Ayon sa International Justice Mission, isang NGO na nakikipagtulungan sa mga otoridad, kapansin pansin daw ang pagtaas ng bilang ng mga nagiging biktima. Sa kanilang datos, nasa 44 rescue operations na ang kanilang naisagawa, 165 victims ang nailigtas, 78 suspects ang nasakote, at pito na perpretor na ang nakasuhan mula lamang ng Enero ng taong ito. Sa mga biktima, 80% ay minor de edad. Dagdag pa ng IJM, noong 2014, nakatanggap ang Department of Justice ng 1,000 cybertip reports kada buwan. Pagpasok ng 2015, dumoble ito sa unang apat na buwan.
Ayon kay Martini Cruz, Chief ng Cyber Crime Division ng NBI nasa humigit kumulang na 20 reklamo ang nakukuha nila sa araw-araw tungkol sa cybercrime. Kabilang dito, ang cybersex. Kaya maigting ang ginagawang pagtugon dito ng NBI.
Samahan si Mareng Winnie sa usapin ng Cyber Sex sa Pilipinas. Paano ito sinusugpo ng mga ahensiya ng gobyerno? May sapat bang kakayanan at teknolohiya ang Pilipinas para hulihin ang mga nasa likod nito? Alamin yan dito lamang sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.