Isyu tungkol sa Dengvaxia, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
MONDAY, DECEMBER 11, 2017
10:15 PM ON GMA NEWS TV

Ang dapat sana’y panangga sa sakit, siya na ngayon ang posibleng maging dahilan ng pagkakasakit ng mga bata. Ang mahigit na 800,000 kabataan na tinurukan ng dengue vaccine na Dengvaxia na hindi pa nagkakaroon noon ng dengue, maaaring magkaroon ng "severe" case ayon sa ilang eksperto.

Ito ang masusing tinutukan at pinag usapan nina Mareng Winnie at ng kaniyang mga piling panauhin na sina Dr. Leonila “Inday “ Dans, isang pediatrician at guro sa University of the Philippines at ni Dr. Susan P. Mercado, dating Undersecretary ng Department of Health at naging bahagi rin ng World Health Organization.
Ayon kay Dr. Dans, may apat na types ang dengue na dapat alam at ipaintindi sa publiko. Dahil sa komplikado ang sakit na ito, kakaiba rin daw ang presentasyon ng sakit. Sa unang infection ay Mild, pangalawa ay Severe at ang 3rd and 4th infection ay maituturing na Mild rin. Dito raw nagkakaroon ng problema ang vaccine sapagkat sa mga hindi pa nagkaka dengue at nabakunahan, ito raw ay maituturing na first infection. Kaya kung ikaw ay makakagat ng lamok na may dengue, aangat kaagad sa severe type ang iyong kondisyon.
Marso raw ng taong 2016 nagpadala na si Dr. Dans kasama ang ibang mga doktor ng liham kay dating DOH Secretary Janet Garin na huwag muna isagawa ang dengue immunization program. Lumabas daw kasi sa kanilang pagsasaliksik na mas mataas ng pitong beses ang maaaring maging risk ng taong mababakunahan ng Dengvaxia kung ito’y hindi pa nagkaka-dengue. Ayon pa kay Dr. Dans, hiniling din ng kanilang grupo ang isang pagpupulong kay Secretary Garin kung saan sinabi ng dating kalihim na aprubado at mayroong rekomendasyon ng World Health Organization ang nasabing bakuna.

Paliwanag naman ni Dr. Susan Mercado, ang World Health Organization ay isang independent body at kapulungan na kinabibilangan ng iba’t ibang ministro ng Kalusugan ng mga bansang miyembro ng United Nations. Walang sovereign power ang WHO sa isang bansa katulad ng Pilipinas kaya hindi maaaring ang WHO ang nagdedesisyon ng ganitong klaseng malaking programa. Giit pa ni Mercado na mayroon nang inilabas na report noon ang WHO na nagsasabing maaaring ikonsidera ng Pilipinas ang vaccine pero hindi raw ito maituturing na rekomendasyon. Nang tanungin ni Mareng Winnie si Mercado tungkol sa proseso ng pag-aapruba ng isang bakuna katulad ng Dengvaxia, ipinaliwanag ng huli na ang pag-aapruba ng Food and Drug Administration ay iba sa pagbili at malawakang paggamit ng gobyerno tulad ng immunization program.
Disyembre ng 2015 nang aprubahan ng FDA ang bakuna, kaya nakapagtataka na sa loob daw ng apat na buwan ay nakabili ang DOH ng mga bakuna na nagkakahalaga ng PhP 3.5 billion. Ito raw ay nakahanda na para sa immunization program para sa Abril. Sa kaniya raw karanasan sa kagawaran, dalawang taon daw ang pag-aaral na ginagawa at pagsasakutuparan ng immunization program para masigurado na mura ang gamot at napag-aralan ng mga health care professionals kung papaano ito ibibigay.

Nang tinanong ni Mareng Winnie si Dr. Mercado kung gaano ba kalaganap ang katiwalian sa DOH noong naroon pa siya, ito ang mariin niyang sinabi :“It was very corrupt.”
Ang sakit na dala ng Dengvaxia vaccine at ang sakit ng Kagawaran ng Kalusugan, bibigyan atensyon ngayong Lunes sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie," 10:15 PM pagkatapos ng State of the Nation with Jessica Soho sa GMA News TV-11!