Pagtaaas ng bilang ng teenage pregnancy sa bansa, susuriin ng ‘Bawal ang Pasaway’
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
MARCH 12, 2018: TEENAGE PREGNANCY IN THE PHILIPPINES
10:15 PM ON GMA NEWS TV

Mapusok at pasaway na kabataan -- ito nga ba ang dahilan ng paglobo ng mga kaso ng teenage pregnancy sa bansa? Ayon sa Philippine Statistics Authority, isa sa bawat sampung teenager na may edad 15-19 ang nanganak mula 2011-2014. Nakita rin sa pag-aaral na sa bawat oras, 24 sanggol ang isinisilang ng mga teenager.
Pero ang ugat daw ng pagtaas ng teenage pregnancy sa Pilipinas hindi dahil sa kapusukan ng kabataan. Ang paniniwala ni YPeer Pilipinas chairperson Ralph Ivan Samson, ang pinakadahilan daw ng pagdami ng mga nabubuntis na teenager ay ang pagkakaroon ng kapaligiran na hindi nababagay sa pag-uusap tungkol sa sex. Adbokasiya ng Ypeer ang Adolescent Sexual Reproductive Health and Rights.

Ang pagdami ng mga kabataang nagiging magulang ang nag-udyok kay Senator Risa Hontiveros para isulong ang Senate Bill 1482. Layunin nitong palakasin ang Comprehensive Sex Education sa mga kabataan sa tulong ng iba’t ibang sektor. Kailangan ng atensyon ng Department of Health, ng Department of Education maging ng mga LGU. Isinusulong ng kaniyang panukalang batas na palakasin pa ang impormasyon sa tungkol sa safe sex, lalo na sa kaalaman tungkol sa HIV. Sino nga ba ang nagkamali sa sitwasyong ito: mga magulang, ang kabataan, ang gobyerno o ang simbahan? Ano ang maaaring gawin para hindi na tumaas pa ang bilang ng teenage pregnancy sa bansa? Talakayin natin yan ngayong buwan ng kababaihan sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie," Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.