ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Waste management sa Metro Manila, tatalakayin sa ‘Bawal ang Pasaway’


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE: METRO MANILA, METRO BASURA?
MONDAY, APRIL 30, 2018
10:15 PM on GMA NEWS TV

Ang Metro Manila, isang siyudad na nga ba ng basura?

Umaabot sa halos siyam na libong tonelada o isang libo’t pitong daang truck ng basura ang nakokolekta mula sa Metro Manila araw araw. Animnapung porsyento rito ay food waste o mga basurang nabubulok. Dalawampung porsyento naman ang maaaring i-recycle. Ngunit sa 9,000 na libong tonelada, higit anim na libo lamang rito ang nakokolekta ng maayos. Ang natitirang mahigit dalawang libong tonelada, sa lansangan at daluyan ng tubig natatambak.

Ano ang nangyari sa pagsasaayos ng basura sa Metro Manila? Ibinabasura na lang ba ito ng gobyerno at ng mga mamamayan?

Bagama't halos dalawang dekada na ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, ang batas na naglalayon na mabawasan ang basura sa ating kapaligiran, tila kulang pa rin ito sa pangil. Depensa ni Commissioner Crispian Lao ng National Solid Waste Management Commission, simula noong isang taon ay mas naging mahigpit na sila sa pagpapatupad ng naturang batas. Ilang local government officials na raw umano ang kanilang nakasuhan dahil sa hindi pagsunod sa RA 9003.

Dagdag pa ni Lao, mga residual wastes lang o iyong mga hindi na mapakikinabangan ang dapat kinukuha ng mga kolektor ng basura sa barangay. Aniya 70% to 80% ng mga basura ay nanggagaling sa mga barangay kung kaya't dapat sa barangay ay natututukan na ang mga ito. Ang mga nabubulok at mga puwede pang i-recycle, dapat mapamahalaang mabuti ng local na pamahalaan.

Ayon naman kay Sonia Mendoza, chairman ng Mother Earth Foundation, sa bahay dapat magsimula ang pagbubukod ng basura. Sa ganitong paraan, ang responsibilidad ng maayos na pagtatapon ng basura, trabaho ng lahat at hindi lang ng pamahalaan.

Maaari naman umanong maisagawa ang zero waste management tulad ng nagawa ng Mother Earth Foundation sa San Fernando, Pampanga at maging sa Brgy. Potrero sa Malabon. Ang susi raw rito -- ang maayos at mahigpit na pagpapatupad ng local government.

Ang tambak-tambak na problema sa basura, uungkatin natin ngayong Lunes sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, 10:15 ng gabi sa GMA News TV!

Tags: plug