ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Estado ng millennials sa workforce ng Pilipinas, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'


MILLENNIALS SA TRABAHO
LUNES, JUNE 25, 2018
10:15 PM SA GMA NEWS TV

Matigas ang ulo, rebelde at spoiled -- ito ang mga katangian na madalas na ikinakabit sa mga millennial. Pagdating sa trabaho, papalit palit daw ang mga kabataan ngayon, ayaw mahirapan at naghahanap agad ng malaking suweldo. May katotohanan nga ba ang mga ito? Ano ang kahihinatnan ng mga kumpanya kung sa taong 2025, sinasabing karamihan na ng mga nagtatrabaho ay mga millennial?

Ayon kay Gino Borromeo, Strategic Management Officer ng McCann Worldgroup, mali ang tingin ng mga tao na hindi loyal sa kumpanya ang mga millennials dahil hindi sila nagtatagal sa trabaho. Aniya, mas marami lang pagpipilian ngayon kaysa noon pagdating sa trabaho.

Dapat din daw hayaan ng mga kumpanya ang mg millennials na magkamali. Dahil mula sa mga pagkakamali, dito matututo at babawi ang mga kabataan. Nararapat din umano na gabayan at turuan sila dahil ito ang gusto ng mga millennials.

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng McCann Worldgroup sa mga millennial sa buong mundo, kasama ang Pilipinas, lumabas na may mga positibong katangian ang millennials sa Pilipinas kaysa sa iba't mga bansa. Isa na rito ang paggalang sa mga magulang at nakatatanda. Lumabas din sa pag-aaral na ang mga Pilipino ay mas iniisip ang kapakanan ng bansa kaysa sa pansariling kagustuhan.

Ang millennials ang henerasyon na sinasabing mas mulat dahil sa access sa iba't ibang impormasyon. Malaking impluwensiya nito ang Internet. Ganunpaman, ayon kay Borromeo, hindi masasabi na mas magagaling ang millennials kaysa sa ibang henerasyon. Bawat henerasyon daw ay inisip na mas magaling sila kaysa sa nauna sa kanila.

Dagdag ni Borromeo, dapat mag-invest ang mga kumpanya sa mga millennial. Dapat daw na makipagsabayan ang kumpanya sa mga ito at huwag makahon sa mga makalumang pamamaraan. Sa ganitong paraan din umano maiiwasan ang pag-alis ng mga empleyado.

Pag-usapan natin ang pagbabanat ng buto ng #YOLO Generation sa Lunes sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.