ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Pagkain at kultura ng Malaysia, tampok sa 'Biyahe ni Drew'



Biyahe ni Drew
Malaysia Part 1:  The KL Experience
Biyernes, August 9, 2013, 10-11pm on GMA News TV!
 
Satu… dua… tiga!  Isa…dalawa…tatlo!  Oras na para madiskubre ni Drew Arellano ang ganda ng isa sa pinakamauunlad na bansa sa Asya, ang Malaysia!

Buwan ng Ramadan ngayon kaya isinasagawa ng mga Muslim ang matinding sakripisyo para sa debosyon nila kay Allah—ang pagdarasal, paggawa ng charity at pag-aayuno o fasting sa loob ng isang buwan!  Pero kahit Ramadan, hindi magpapapigil ang ating beteranong biyahero sa kaniyang pamamasyal at food trip.

Ang Malaysia ay multi-ethnic at multi-religious kaya naman iba’t ibang lahi at kultura ang makakasalamuha rito. Siyempre pag dating sa pagkain, ganun din! Sa Nasi Kandar Pelita sa Kuala Lumpur,  patok na patok ang fusion Indian-Malay dishes nila.  Ang sikat na restaurant food chain na ito ay makikita sa buong bansa at pinipilahan kahit ng mga taga-ibang bansa. 

Sa Songket Restaurant, buffet naman ang istilo.  Ikaw na ang magsasawa sa kanilang eat-all-you-can serving ng mixed satay at lahat na yata ng rendang dishes. Sa Jalan Alor naman, ang Chinatown ng KL, makikita ang Resto Sun Chui Yen na naghahain ng isa sa pinakamasarap na pagi o stringray dish na natikman ni Drew.  At sa Bazaar Ramadhan Kampung Baru, Roti Johns Black Pepper naman ang kumiliti sa panlasa niya. 
Hindi rin mauubusan ng pasyalan sa KL! Gagawin ni Drew ang kaniyang Biyahero Run  sa loob ng Kuala Lumpur City Center o KLCC Park, ang 50-acre tropical landscape park na nasa sentro mismo ng siyudad. Sa Masjid Jasmek, sisilipin niya ang Masjid Jasmek Mosque na pinakamatanda sa KL.  Mamimili rin siya ng pasalubong sa Masid Jamek Bazaar at sa Jalan Tuanku Abdul Rhaman o Jalan Tar na tinaguriang Little India ng KL. At  sa Batu Caves, sasabayan niya ang halos 5,000 tourists sa pag-akyat sa 272 steps patungong bukana nito.

Para mas makumpleto ang pamamasyal, sasakyan ni Drew ang pamosong Hop On Hop Off Bus ng KL na siyang maglilibot sa kaniya sa buong siyudad nang hindi siya kailangang pagpawisan! At bago matapos ang KL adventure ng ating biyahero, matitisuran muna niya ang isang Bollywood movie set. Makuha kaya siyang artista?
 
Sama na sa Biyahe ni Drew, sa Biyernes, 10PM sa GMA News TV.
Tags: plug