ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Mango Festival at island-hopping sa Zambales, tampok sa 'Biyahe ni Drew'


 
Biyahe ni Drew:  Zambales
Biyernes, 11 April, 8 pm sa GMA News TV
 
Summer na kaya naman kailangang mag-cool down ni Biyahero Drew Arellano. Ang next destination niya:  ang isa sa pinakamalapit na beach getaway sa Metro Manila— Zambales!

Tamang-tama ang bisita ni Drew dahil ipinagdiriwang ng mga taga-Zambales ang Mango Festival! Siyempre, bida ang world-famous Zambales mango na kinilala ng Guiness Book of World Records bilang pinakamatamis sa buong mundo, at ang Zambalesbilang ‘Sweetest Mango Producer in the World’ noong 1995.

Dahil diyan, hindi nagpaawat ang paglago ng mango industry sa probinsiya.  Sa pamamasyal ni Drew, bibisitahin niya ang  Rosa Farm kung saan puwede kang mamitas ng mangga at bilhin ito sa halagang 80 pesos per kilo.  Marami ring pwedeng pagpiliang variety tulad ng Zambales mango, Golden Queen, at Millenium mango.
 
At dahil piyesta ng mga mangga, hindi puwedeng umalis si Drew nang hindi nakikipagtagisan ng galing… sa pagkain ng mangga!  Gamit lang ang kamay, manalo kaya siya laban sa pitong babaeng kalahok?  Masusubok din ang life guarding skills ni Drew sa pagsali niya sa annual Life Guard Challenge. Kalaban ang isa sa magagaling na swimmers ng probinsiya, may pag-asa kaya ang ating biyaherong mauwi ang korona?
 
Samantala, hindi raw makukumpleto ang pamamasyal sa Zambales kung hindi n’yo dadaanan ang Casa San Miguel. Kilala bilang mahusay na music school, meron din ditong Bread and Breakfast, restaurant at museum.

To top off his Zambales adventure, maglilibot si Drew sa mga sikat na isla ng probinsiya, kabilang na ang Capones Island, Anawangin at Potipot Island.  Ayon kay Drew, wala siyang itulak-kabigin sa mga islang ito kaya kung pupunta kayo, piliin n’yo na lang ang  islang  pasok sa budget niyo.
 
Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.