ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Drew Arellano summits Mt. Kinabalu on this Friday's 'Biyahe ni Drew'



Kota Kinabalu Part 1
Biyernes, May 30, 2014
8pm sa GMA News TV
 
Sa Biyernes, isang special episode ang mapapanuod sa Biyahe ni Drew. Ang kaniyang destinasyon, ang pinakatuktok ng Mt. Kinabalu!

Ang pamosong bundok ay matatagpuan sa Sabah na nasa East Peninsula ng Malaysia. May layo itong kulang-kulang na 1,100 kilometers mula sa Maynila.  Ang ultimate goal ng ating biyahero:  ang maakyat ang tuktok ng pinakamataas na bundok sa Malay Archipelago na matatagpuan sa Isla ng Borneo.  4,095 meters o 13,435 feet above sea level ang taas nito, na mas mataas pa sa Mt. Apo na nasa 2,954 meters o 10,000 feet above sea level.

Ang gateway to Mt. Kinabalu ay ang Kinabalu Park. Mala-Baguio ang dating nito sa taas na 1,585 meters above sea level kaya kasing-lamig din ng klima. Ang Kinabalu Park ang pinakaunang national park sa Malaysia, at ang kauna-unahan din nilang UNESCO World Heritage Site.

Bago ang makapigil-hiningang pag-akyat ni Drew sa Mt. Kinabalu summit, mamasyal muna ang ating biyahero sa paligid ng Sabah. Sa Mari-Mari Cultural Village, makikilala ni Drew ang iba’t ibang tribo ng Sabahans at ang kanilang mga tradisyon at paraan ng pamumuhay. Titikman niya ang Lihin Nylin, isang uri ng rice wine na katumbas ng Pinoy lambanog.  Makikita rin niya kung paano sila magluto gamit ang kawayan, tulad ng paraan ng pagluluto ng mga kapatid nating Aeta. At bago matapos ang kaniyang home visit, sasampolan niya ang lansaran, ang sinaunang trampouline ng mga Sabahan na ginagamit noon sa mga paligsahan.

At para makumpleto ang nature-tripping, kailangan mo raw makita ang Rafflessia, isang uri ng halaman na sa Mt. Kinabalu lang makikita. Sa tatlong talampakang diameter nito, sinasabing ito ang pinakamalaking bulaklak sa buong mundo!  Iyon nga lang, hindi raw kaaya-aya ang amoy nito kaya tinatawag din itong ‘corpse flower’.  Sa Kiulu River naman, shooting the rapids ang istilo. At sa Zip Borneo, tatawirin ni Drew ang rumaragasang ilog sa taas na 16 meters at sa kahabaan ng 320-meter zipline.
 
Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.