'Biyahe ni Drew,' papasyalan ang hidden tourist gems sa Dingalan, Aurora
Biyernes sa Biyahe ni Drew, samahan si Drew Arellano sa pagdiskubre ng isang hidden treasure sa bayan ng Dingalan sa Aurora kung saan tila tinatamaan ng “Dingalan Syndrome” ang mga bisita.
May kakaibang appeal ang Dingalan sa parehong beach bums at mountaineers. Dahil bukod sa pristine beaches, makapigil-hininga rin ang ganda ng kabundukan dito na sakop ng Sierra Madre.

Sa Matawe Beach, bukod sa four-hundred meter stretch of fine sand, mabibighani rin si Drew sa kakaibang rock formation na nakapaligid dito. Tandaan lang na mabilis ang pag-akyat ng tubig kapag high tide para iwas-aksidente.

Sa Barangay Ibona, bibisitahin niya ang Laktas Falls na nakatago sa paanan ng Ibona River. At papasukin naman niya ang Lamao Caves for a bit of caving adventure.

Pero bukod sa mga natural attractions, binabalik-balikan din sa Dingalan ang fresh seafoods. Dahil nakaharap sa Pacific Ocean, makakatiyak ka na sariwa ang mga paninda dito, magmula sa lapu-lapu hanggang sa pugita. Mae-enganyo din si Drew na manghuli ng paborito niyang hipon na aminado siyang hindi madaling gawin.

At para makumpleto ang kaniyang bisita, kikilalanin ni Drew ang mga katutubo ng Dingalan—ang mga Dumagat. Nakatira man sa bundok, bumababa ang mga ito sa kapatagan para mangisda. Tiyempo naman ang pagbaba nila para maturuan si Drew ng tamang paraan ng paghuli ng lobster.
Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.