Kultura, pagkain at tanawin ng Culasi, Antique, tampok sa 'Biyahe ni Drew'

Balik Panay Island muli si Drew Arellano sa Biyahe ni Drew. Ang destinasyon niya, ang tahimik at kaakit-akit na bayan ng Culasi sa Antique.

Ang pangalan ng bayan ay hango raw sa ibon na kulasisi—isang uri ng indegenous parrot—at kulasi na isa namang uri ng mangrove. Kung lilipad galing Maynila, Aklan International Airport ang pinakamalapit na airport dito. Mula sa Aklan naman, kailangang mag-land travel nang halos tatlong oras para marating ang Antique.

Uumpisahan ni Drew ang kaniyang exploration sa Mararison Island, ang hidden gem ng bayan. Kayang-kaya raw ikutin sa loob ng isang buong maghapon ang 55 hectares nito. Bilang pagtanggap sa Team BND, sasailalim sila sa ritwal ng pagluluya kung saan pinapahiran ng luya ang noo, pulso at bukong-bukong ng mga bisitang dumarating sa isla.

Pausbong pa lang ang turismo sa Mararison kaya wala pang gaanong hotel o resorts. Pero hindi dapat mag-alala ang mga bisita dahil uso rito ang home stay. Sa ngayon, may 41 kabahayan ang pwedeng tirhan; lahat ng may-ari ng bahay, nag-training sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD kasama ang Department of Tourism.
Ang kainaman sa homestay, may pagkakataon kang kumain ng local specialties. Kaya lalantakan ni Drew ang Karag-ayan fare: ginataang pugita, kilawi na tuna, halabos na hipon in pineapple juice, at inihaw na labahita! Yummy!

To complete his Karay-anon experience, sisilipin ni Drew ang isa pang hidden gem ng Antique—ang Seco Island. 1.5 kilometers lang ang laki ng isla pero hindi matatawaran ang ganda nito dahil sa mala-pulbos na buhangin at malinaw na tubig. Pero makapagil-hininga rin ang sinasabing Batanes of the Visayas na masisilip sa kabundukan ng Mararison.
Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.