ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ecotourism sa Aloguinsan, Cebu, tampok sa 'Biyahe ni Drew'


 

Samahan si Drew Arellano sa pagbisita niya sa kakaibang tour sa Aloguinsan, Cebu ngayong Biyernes sa Biyahe ni Drew.

 

Humigi’t kumulang pitong taon nang itinataguyod ang ecotourism sa Aloguinsan sa pangunguna ng local government. Layon ng proyekto ang pagkakaroon ng sustainable livelihood program para sa mga tagarito.

“Farm House” ang tawag sa klase ng tour na ginagawa sa Aloguinsan kung saan makikita ng bisita ang natural na paraan ng pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop.  Anim na taon na ang organic farm na bibisitahin ng Team BND. Dito, mararanasan nilang magpakain ng mga alagang hayop at gumawa ng mga produkto nito tulad ng lemongrass juice.

Pagkatapos ng farm activities, pupunta naman si Drew sa Bojo River for a 15-minute river cruise. Dito, binibigyang-impormasyon ang mga bisita tungkol sa kahalagahan ng mangroves o bakawan.

Meron ding Heritage Tour sa Aloguinsan. Isa sa mga stopover ang isang dambuhalang century-old na acacia tree. Dito, nakasabit daw ang isang kampana noong unang panahon na pinapatunog upang mabigyang-babala ang mga tao kapag may mga papalapit na pirata.

 


When it comes to good eats, hindi naman mawawalan niyan ang Aloguinsan. Makikibahagi si Drew sa paggawa ng puto buli, isang kakaibang kakanin na gawa mula sa katawan ng puno ng buli o palm buri. Pero ang mas nakakaaliw, sinasabayan ng sayaw at kanta ang paggawa nito. Siyempre, sa pagkain ng puto buli, dapat daw may kasabay na binisayaang manok o manok na niluto sa tuba. Bida rin ang salbaros, isang klase ng tinapay na gawa sa arina, niyog, asukal, at tuba! At pag dating naman sa dessert, nariyan ang taro balls na gawa sa ginadgad na ube at niluto sa gata.

 


Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.