ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Generation XL: Kaso ng childhood obesity sa Pilipinas, tumataas


Sa isang bansang naghihirap at marami ang nagugutom, mayroon pa ring mga kabataan na may sakit na obesity.

Mula 1998 hanggang 2008, naitala ng National Nutrition Survey ang paglaki ng bilang ng mga batang labis ang timbang para sa kanilang edad o overweight-for-age. Noong 1998, wala pa sa 1 percent (0.4 percent) ang bilang ng mga kabataang edad 0 hanggang 5 na labis ang timbang. Lumaki ito sa 1.4 percent noong 2003 at tumaas lalo noong 2008 sa 2 percent. Noong 2003, may naitala namang bilang na 1.3 percent na batang edad 6 hanggang 10 na labis ang timbang. Tumaas ito noong 2008 sa 1.6 percent.

Upang bigyan ng mukha ang bilang na ito, kinilala ni Cata Tibayan ang ilang kabataan na sa murang edad ay labis na ang timbang.
 



Apat na taong gulang pa lang si Joshua Capiral pero aabot na sa 92 lbs ang kaniyang timbang. Halos doble ito sa ideal na timbang ng isang 4 na taong gulang na bata na 40 hanggang 50 lbs. Kuwento ng lola ni Joshua na si Nena Balansag, pinanganak daw na underweight ang apo – sa timbang na 7 lbs. Kaya naman si lola, binusog ang apo hindi lamang sa pagmamahal kundi pati na rin sa pagkain.

“Kapag nagustuhan niya ‘yung luto, sige lang iyan. Paborito niya ang kare-kare,” kuwento ni Lola Nena tungkol sa katakawan ng apo.

Dagdag pa ni Lola Nena, maliit lamang daw ang bahay nila kaya hindi gaanong nakakikilos si Joshua.

“Pagkakain [ni Joshua] diretso na agad sa kuwarto. Walang na siyang activities,” sabi niya.
Aminado rin ang nanay ni Joshua na si Rizza Capiral na napabayaan niya ang timbang ng anak dahil magdamag siya sa trabaho.

“Hindi na namin nasubaybayan,” ani Rizza.
 


Ang 12 taong gulang naman na si Symon Dulay, may timbang na 152 lbs. Ang ideal weight para sa batang kaniyang edad ay 65 hanggang 90 lbs. Limang oras kung maglaro ng computer games si Symon. Sinasabayan pa niya ito ng pagkain.

Kuwento ng nanay ni Symon na si Marlene Dulay, “Dati sinabi niya, ‘Ma, masakit puso ko!’ Talagang puso na ‘yung tinuturo niya.”

Aminado si Marlene na hirap siyang pigilan ang pagkain ng anak: “Minsan sasabihin namin na bawasan na niya ‘yung rice niya, pero kapag ngingitian ka na, alam mo na, bilang magulang, sasabihin mo na lang, ‘Bukas na lang ulit.’

Payo ng mga doktor

Totoong nakagigigil ang matatabang chikiting, subalit lingid sa kaalaman natin, delikado ang pangangatawan nilang ito. Kahit bata pa lang sila, maaaring silang magkaroon ng hypertension, high blood pressure, diabetes at fatty liver.

Upang maiwasan ang mga sakit na ito, sa magulang dapat nag-uumpisa ang pagkain nang malusog. Ayon kay Pearl Esguerra, R.N.D., chief dietician sa Philippine Heart Center, “Importante na magkaroon ang magulang ng panahong makapagluto ng masustansyang pagkain para sa pamilya.”

Mahalaga ring siguruhing madalas ang physical activities ng bata at hindi lamang palaging nakaupo at naglalaro ng video games. Obserbasyon ni Dr. Sioksoan Chan-Cua, M.D. ng Philippine Association for the Study of Overweight and Obesity, “Kulang sa galaw ang mga bata. Kulang ang laro. Nakaupo buong araw, nanonood ng TV, naglalaro ng computer at video games. Malakas silang kumain at kulang sa galaw.”

Ayon sa American Heart Association, kailangan umabot sa isang oras ang physical activity ng bata katulad ng brisk walking, paglangoy, at pagsayaw. Maaari ding isama sa pang-araw-araw na gawain ang pag-eehersisyo. Payo ng Food and Nutrition Research Institute, udyuking maglakad o sumakay sa bike ang bata halimbawang isasama ito sa grocery o sari-sari store.

— Bernice Sibucao/CM, GMA News