Paano ba maiwasang malubog sa utang ngayong Pasko?

Ngayong panahon ng Kapaskuhan na kung saan ang gastusin ay tila lumulobo, ang tanong ng karamihan, paano nga ba maiiwasang kumapit sa pangungutang? Narito ang ilan sa mga tips ng financial expert na si Aya Laraya upang hindi tayo mahulog sa patibong na ito.
Bahagi na raw ng kulturang Pilipino ang pangungutang. Sa mahal ba naman kasi ng mga bilihin ngayon, tila mahirap pagkasiyahin ang kakarampot na suweldo na natatanggap ng mga manggagagawang Pinoy. Kaya ang kadalasang nagiging takbuhan ng karamihan sa oras ng kagipitan ay ang pangungutang. Ngunit kapag ikaw naman ay nalubog dito, tiyak sandamakmak na kunsumisyon ang aabutin mo.
Bago natin alamin kung paano nga ba maiiwasan ang pangungutang ay dapat malaman muna natin ang dahilan kung bakit nga ba umaabot pa tayo sa punto na kailangan nating manghiram kahit na mayroon naman na tayong kinikita. Ayon kay Mr. Aya Laraya, nasasadlak sa pagkakautang ang mga Pinoy dahil sa kakulangan natin ng kaalaman sa paghawak ng pera.
“Hindi tayo marunong humawak ng pera, karamihan sa atin ay one day millionaire. Hindi naman kasi natin napag-aaralan kung paano humawak ng pera sa eskuwelahan. Walang financial literacy ang karamihan sa mga Pinoy. Kaya akala ng iba ay ayos lang mangutang dahil may mentality na kikitain ko rin naman ito at mababayaran hanggang sa unti-unti na tayong nalulubog sa pagkakautang,” paliwanag ni Laraya.
Handa ka na bang kumawala sa pagkakautang?
1. Alamin kung saan napupunta ang iyong kinikita

Paano ka magtitipid kung hindi mo naman alam kung saan napupunta ang iyong perang pinagtrabahuhan? Magkaroon ng budget at sundin ito. Ang iyong budget ang magsisilbing mapa na siyang magbibigay gabay at direksyon kung saan patutungo ang iyong pera bago mo pa man ito makuha. Upuan ang paggawa nito at kung maari ay ilista ang inyong mga gastusin.
Bagama’t ang pagba-budget ay depende kung ikaw ay single o may-asawa na, ang pinakaimportante nating gawin ay itabi ang 20% ng ating sahod bilang savings upang tayo ay may huhugutin sa panahon ng pangangailangan at hindi na kailanganing mangutang pa. Ang nalalabing 80% naman ng ating kita ay ilaan para sa mga bayarin at araw-araw na gastusin.
2. Humanap ng mas murang alternatibo sa inyong mga gastusin

Pagkatapos malaman kung saan napupunta ang iyong pera ay pag-aralang mabuti kung mayroon bang mga mas murang alternatibo ang iyong pinagkakagastusan.
Humanap ng mga paraan kung saan ikaw ay makakatipid. Halimbawa nito ay ang pagkuha ng mga packages sa cable at internet. Piliin ang mga serbisyong maibibigay ang inyong mga pangangailangan ngunit sa mas murang halaga.
Magtipid rin kahit sa mga maliliit na bagay. Kung makakahanap ka ng mas murang pagpaparadahan ng sasakyan, piliin na lamang ito.
Humanap rin ng mga mas murang mapagbibilihan ng iyong mga pang-regalo. Gumastos lang ng naayon sa iyong tinalagang budget at huwag lalagpas rito upang maiwasan ang pangungutang.
3. Matutong humindi sa mga karagdagang gastos

Dahil ngayong Kapaskuhan, tiyak marami nanaman sa ating kaibigan ang magyayang lumabas at gumimik. Hindi naman masama na tumanggi paminsan –minsan lalo na kung wala naman sa budget mo ang extrang gastos para sa mga night-out.
Likas din daw sa ating mga Pinoy ang naising mabigyan ng regalo ang ating mga kaibigan at lahat ng kamag-anak. Ngunit dapat tayo ay maging tapat sa ating sarili at tanungin kung kaya ba ito ng budget natin. Pag-isipang mabuti ang mga ireregalo at kung sino-sino ang mga taong reregaluhan nang sa gayon ay madama pa rin natin ang diwa ng pagbibigayan ng hindi naman nababaon sa pagkakautang.
Makakatulong kung bibilhin ang iyong mga regalo ng bultuhan upang makahingi ng discount sa tindera. Kung ikaw naman ay may talento sa pagluluto o paggawa ng mga dessert, maaring ito na rin lang ang iyong ipamigay sa iyong mga kaibigan. Marami na ang mga nagsusulputang videos kung saan nagtuturo sila ng mga masasarap na recipes na madali lang gawin.

4. Kung papasok sa negosyo, pag-aralan muna ito nang mabuti

Dahil sa kagustuhan nating magkaroon ng extra-income, ang iba, dali-daling pumapasok sa mga kung ano-anong negosyo na hindi lubusang napag-iisipan.
Bagama’t wala namang masama rito, dapat pag-aralan muna nang mabuti bago ito pasukin. Baka naman kasi mas malaki pa ang iyong ilalabas na pera sa puhunan kumpera sa iyong kikitain. Kapag hindi kasi napag-aralan ang iyong negosyong papasukin, maliit man ito o malaki, ay maaring itong mauwi sa iyong pagkalugi. At anong mangyayari kapag ikaw ay malulugi? Karamihan sa mga Pinoy ay kumakapit sa pangungutang na sana ay maiiwasan naman kung ang iyong negosyong papasukin ay lubusang napag-aralan.
Unang isipin kung kaya mo bang pagsabayin ang pagnenegosyo at ang iyong regular na trabaho. Dahil kung hindi mo naman matutukan ang iyong papasuking business ay sayang lamang ang pagod at puhunan.
Isaalang-alang din kung magkano ang puhunang handa mong ilabas. Pasukin ang mga negosyong mababa lamang ang kapital gaya ng pagbebenta ng pagkain at mga damit kung hindi ka pa handa sa mga high-risk business. Huwag mangungutang ng pera para sa puhunan ng iyong negosyo kung alam mo na wala ka naman kapasidad na bayaran ito. ---BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang Brigada tuwing Martes, 8:00 PM sa GMA News TV. Para sa karagdagang impormasyon sa programa, sundan kami sa Facebook at Twitter. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.