Uri at epekto ng party drugs, tatalakayin sa 'Brigada'
Brigada
May 31, 2016
8 PM sa GMA News TV
“Party Drugs”

Hindi na maibabalik pa ang buhay ng limang nasawi sa ginanap na malaking rave concert party sa Pasay kamakailan lang. Ang itinuturong dahilan... ang talamak na pagbebenta at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot sa nasabing pagtitipon. Dahil sa pangyayari, doble-kayod ngayon ang mga awtoridad sa pagtugis sa mga nagtutulak ng drogang sikat sa mga rave parties na dinadaluhan ngayon ng mga kabataan... ang green amore – mga tabletang sinangkapan ng pinaghalong ecstasy at shabu. Siniyasat ni John Consulta kung gaano kalawak nga ba ang naaabot ng mga galamay ng mga nagpapakalat ng ilegal na drogang ito.
“Pinoy Indie Films”

Ang pagkapanalo ng mga kapusong aktor na sina Jacklyn Jose bilang best actress sa Cannes Film Festival at Sid Lucero bilang best actor naman sa Los Angeles Comedy Festival ay pinakinang ng natatangi nilang mga pagganap sa independent o indie films – mga pelikulang hindi gawa ng mainstream o malalaking commercial film studios.

Subalit sa kabila ng kanilang tagumpay, tila nakalulungkot din na mga banyaga pa imbes na mismong mga kababayan natin ang nagbibigay ng parangal sa mga nagiging bahagi ng indie films.

Nakapanayam ni Nelson Canlas ang mga natatanging direktor at aktres ng mga indie films na siyang nakapagbigay ng karangalan kamakailan sa ating bayan.
“Bastos na Drayber”

Sa kamay ng mga drayber nakasalalay ang ating kaligtasan sa tuwing sumasakay tayo sa mga pampublikong sasakyan. Pero may ilang tsuper na abusado sa tiwalang ibinibigay sa kanila ng mga pasahero. Imbes kasi na pagmamaneho ang atupagin, ang mga matang nakatutok dapat sa kalsada... pasulyap-sulyap sa katawan ng mga sakay-sakay niyang kababaihan! May ilan pa ngang sinasabing hindi nakakapagpigil na bigla na lang napapadakma sa maseselang bahagi ng pasahero nilang babae dahil sa panggigigil! Inalam ni Katrina Son kung anu-ano ang mga pag-iingat na dapat gawin sa tuwing sasakay sa mga pampublikong sasakyan.