Pagbabalik ng death penalty, tatalakayin sa 'Brigada'
ISLA NG ATULAYAN
Pumapasok na nga ang panahon ng tag-init, kaya naman mainam ding magpakalayo-layo, maglakad sa puting buhangin at magbabad sa bughaw na karagatan. Isa sa pwedeng dayuhin ngayong summer, ang isla ng Atulayan sa probinsiya ng Camarines Norte. Dati rati, pugad ito ng mga mapagpasamantalang mangingisdang walang habas magpasabog ng dinamita sa karagatan. Ngayon ang ilan sa kanila, iniwan na ang iligal na gawain at naging tagapagtanggol na rin ng kalikasan bilang bantay-dagat. Ang kanilang maingat na binabantayan ang ipinagmamalaki nilang fish sanctuatry at ilang ektaryang marine reserve na kung saan pwede na ring sisirin. Hindi na pinalampas ni Chino Gaston na malibot at masaksihan ang mala-paraisong ganda ng Atulayan.
ASIN NG BUHAY
Ang primera klaseng asin daw na ating ginagamit sa kusina, nagmumula pa sa pinakamalaking asinan sa bansa--sa Dasol sa probinsiya ng Pangasinan. Para sa mga taga rito higit pa bilang panlasa ng pagkain ang asin. Ang mala-kristal at maalat-alat na sangkap na ito, para sa kanila, nakakabigay buhay sa tumatabang nilang kapalaran. Ang sitenta-y-sais anyos na si Tatay Ambet, sa asinan na tumanda pero mapahanggang ngayon wala pa rin siyang sariling sakahan nito. Inalat man ang kanyang buhay, nakikitaan pa rin siya ng pagiging postibo at kasipagan, natutustusan pa rin kasi niya ang pangangailangan ng kanyang mga anak at napag-aral na rin niya ang ilan sa kanyang mga apo sa pamamagitan pa rin ng asin. Tumungo si Lala Roque sa Pangasinan para maranasang mamuhay at makilala ang isa pinakamatandang magsasaka ng asin sa Dasol.
DEATH PENALTY
Bago pa maluklok si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto, makailang beses na niyang pinahayag ang kanyang pagpabor sa pagpapabalik ng parusang kamatayan. At nitong buwan lang, lumusot na sa kamara de represante ang panukalang ibalik ito. Para sa mga mambabatas na sumuporta rito, kung tuluyang magiging ganap na batas, tanging ang mga krimen lang muna na may kinalaman sa droga ang dapat makatikim ng parusang kamatayan. Pero ang simbahang katolika at ilang grupo, tahasang tinututulan ang panunumabalik ng death penalty. Para sa kanila, dapat munang ayusin ang sistema at patakaran ng ating hudikatura sa paglilitis ng mga kaso. Sa kanila pang obserbasyon, tanging ang mga mahihirap lang daw nating mga kababayan ang magiging puntirya ng nasabing panukala. Inalam ni Tina Panganiban-Perez ang sintemyento at saloobin ng ilan sa ating mga kababayan ukol sa mainit na isyung ito.