Sitwasyon ng mga bakwit sa Marawi, inalam sa 'Brigada'
BRIGADA
JUNE 27, 2017
8 pm sa GMA News TV
BAKWIT NG MARAWI
Mahigit isang buwan na ang nakalipas mula nang sumiklab ang kaguluhan sa lungsod ng Marawi. Ang bakbakan sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at ISIS-inspired na Maute grupo, nag-iwan ng hindi bababa sa tatlong daang mga nasawi, samantalang libu-libong iba pang mga sibilyan ang apektado’t nais pilit na takasan ang epekto ng digmaan. Ang ilan sa kanila, lumikas sa kalapit-bayan ng Iligan kung saan natakasan nila ang tindi ng giyera, pero kasalukuyan pa ring tila nakikipaglaban dahil sa sikip at kakulangan sa mga pasilidad ng mga evacuation center na dapat sanang tumutugon sa kanilang mga pangangailangan. Personal na nakilala ni Bam Alegre ang mga tinaguriang “bakwit” ng Marawi at ang pinagdaraanan nilang pagsubok.
LABAN NI CARL
Bagamat tila buto’t balat ang pangangatawan ng labing dalawang taong gulang na si Carl, kapansin-pansin naman ang labis na pagiging malaki ng kanyang tiyan bunsod ng sakit na kung tawagi’y portal hypertension o pagtaas ng blood pressure sa portal venous system o ‘yung mga malalaking ugat ng isang tao kung saan konektado ang ilang internal organs tulad ng lapay at bituka. Labis na nakaapekto ito sa kanyang buhay, hirap na siyang makagalaw at nahinto na rin sa pag-aaral. Hanggang sa ngayon, palaisipan pa rin para sa kanyang mga magulang kung saan nga ba nagmula ang sakit niyang ito, at kung may lunas nga ba para rito. Nasaksihan ni Victoria Tulad kung paano nalalampasan ni Carl ang bawat araw na dumaraan sa kabila ng nagpapahirap sa kanyang karamdaman.