Pagsasanay ng ilang Pinay 'K-Pop Idol Wannabes,' sinundan ng 'Brigada'

K-POP IDOL WANNABES
“Aja aja fighting!” ang maraming kabataang Pilipino pagdating sa usapang K-pop o Korean pop. Bukod kasi sa natatanging indak at tugtugin, patok ito sa mga kabataan dahil na rin sa pagiging sikat at tinitingala ng mga K-pop idol na kanilang hinahangaan. Kaya naman marami rin ang sumasali hindi lang dito sa ating bansa kundi pati sa Korea sa mga pagsasanay para maging susunod na “dae bak” o hanep na Pinoy K-pop idol! Tumungo sa Korea mismo si Aubrey Carampel para masaksihan kung gaano nga ba kahirap at kadugo ang pinagdaraanan ng mga nag-aasam na maging K-pop idol.
JAPANESE ENCEPHALITIS
Sa isang kisapmata, agad nagtapos ang buhay ng katorse anyos na si Jessica. Nagsimula ang kanyang masamang naramdaman sa simpleng sakit ng ulo’t lagnat. Pero matapos ang isang linggong panghihina, lalong nawalan ng lakas ang kanyang katawan at tila naapektuhan pa ang kanyang memorya, hanggang sa namatay na siya. Hinala ng kanyang mga magulang, tinamaan siya ng Japanese encephalitis – isang sakit mula sa virus na nakaaapekto sa nervous system ng isang tao at naipapasa sa pamamagitan ng lamok. Kaya naman paalala ng Department of Health o DOH, kagaya ng sa pag-iwas sa mga lamok na nagdadala ng nakamamatay ding dengue, panatilihing malinis ang kapaligiran at ugaliing kumpleto sa bakuna ang mga batang madalas pa namang tamaan ng sakit na ito. Inalam ni Steve Dailisan ang mga maaaring sintomas ng Japanese encephalitis na dapat bantayan.