FOLLOW THAT STAR: Hot Mama Katya Santos
FOLLOW THAT STAR
KATYA SANTOS
October 26, 2013
Taong 2003 nang gumawa ng ingay ang Viva Hot Babes, isang grupo ng mga seksing babae na kumakanta, sumasayaw, at nagpamalas din ng talento sa pag-arte. Makalipas ang sampung taon, kumusta na kaya sila?
Isa sa mga pinakasikat na miyembro ng grupo ay si Katya Santos. Apat na taon pa lang si Katya ay lumalabas na siya sa mga commercial hanggang sa mapasama sa isang sitcom. Hindi nagtagal, nag-iba ang kanyang wholesome image at sumabak siya sa mga sexy role.
Magmula noo’y marami na ang nagbago sa buhay ni Katya. Nitong Abril lamang ay ikinasal siya kay Anton de los Reyes, miyembro ng basketball coaching staff ng Mapua. Kapapanganak lang din ni Katya noong Agosto sa kanyang unang baby na si Tala.
Ibang-iba na nga si Katya ngayon. Ayon sa kaniya, "Hindi madali magsimula ng pamilya lalo na kung wala kang ipon. Ngayon, na-realize namin 'yung mga worth ng ginastos namin dati, kaya ngayon sobrang tipid na namin."
Abangan sa Follow that Star ang pagsilip sa bagong buhay ni Katya Santos bilang isang ina at asawa. Alamin din ang work-out na ginagawa niya para maibalik sa dati ang kanyang hot body, at huwag na huwag din palalampasin ang reunion niya kasama ang iba pang miyembro ng Viva Hot Babes kung saan makikitang malapit pa rin sila sa isa't isa. Sa katunayan, tuwing Huwebes ay nagkikita-kita pa rin sila para mag-bonding. Pinangalanan pa nga nila ang kanilang weekly gimik na Thirsty Thursdays.
Isang masayang episode ang mapapanood sa Follow That Star ngayong Sabado, Octubre 26, ika-walo ng gabi sa GMA News TV.