ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
Team Kramer birthday party para kay Scarlett, nadaluhan ng isang fan

Noong Nobyembre 28, ipinagdiwang ng mag-asawang Doug at Cheska Kramer ang ikalawang kaarawan ng isa sa kanilang tatlong anak na si Scarlett Louvelle Kramer, o mas kilala bilang Scarlett.
Si Scarlett ang itinuturing na “baby doll” ng pamilya, dahil bukod sa mukha talaga siyang manika dala ng kanyang bilog na bilog na mata, mamula-mulang kutis, at light brown na buhok, sobrang sweet pa niya sa kanyang mga magulang at mga kapatid na sina Kendra at Gavin.

‘Di nakapagtatakang kung gaano karami ang fans ng Team Kramer, ganoon din ang kay Scarlett na bumibida sa kanyang sariling fanbase. Sa katunayan, hindi lamang si Scarlett ang may sariling fanbase kundi pati na rin ang kanyang dalawa pang kapatid na sina Kendra - na tinatawag na Kendra Superstar; at si Gavin - na tinagurian namang si Gav-incredible!

Noong Sabado ay ipinalabas sa show na “Follow That Star” ng GMA News TV-11 ang unang parte ng episode kasama ang masayang pamilya ng Team Kramer. Inilibot ng mag-asawang Doug at Cheksa ang “Follow That Star” sa kanilang bagong tayong dream house, at masaya rin nilang ikinuwento kung paano nagsimula ang kanilang love story.
“Doug and I met in Boracay, 2003. We started off as friends even if we both admired each other from a distance,” kuwento ni Cheska. Dagdag naman ni Doug, “Later on, we met up in Rockwell and I’ll never forget na by the time I saw her talagang napamura ako sabi ko, ‘ganda naman nun.”
At sampung taon mula nang una silang magkakilala, masaya na silang namumuhay bilang mag-asawa kasama ang tatlo nilang anak.
Picture-perfect family
Dahil sa patuloy na pagdami ng kanilang fans, lalung-lalo na sa social media kung saan nila sinimulan ang pagpo-post ng photos at videos ng kanilang masayang pamilya, dumadami rin ang mga nagnanais na makita at makausap ang kanilang picture-perfect family.
Kaya naman hindi nakapagtatakang marami ang sumali sa meet-and-greet promo ng “Follow That Star,” kung saan nabigyan ng pagkakataon ang isang fan na maki-celebrate sa birthday party ni Scarlett.
Sa Facebook page at Twitter account ng programa, inanyayahan ang lahat ng Team Kramer fans na sagutin ang tanong na ito: “Bakit mo gustong ma-meet ang Team Kramer?”
Isa sa mga nagpadala ng sagot si Wamela Joy Paguio:

Super fan umano ng Team Kramer si Wamela Joy Paguio, kaya naman pati ang kanyang profile picture at cover photo sa Facebook at Twitter, larawan ni Scarlett ang nakalagay. Nang imbitahan siya nina Doug at Cheska sa birthday party ni Scarlett, halos hindi raw siya makapaniwala.
Ginanap ang birthday party ni Scarlett noong Nobyembre 30. Nang makita ni Wamela ang masayang pamilya nina Doug at Cheska sa unang pagkakataon, hindi niya naitago ang kanyang mga luha.
Narito ang ilan pang mga larawang kuha mula sa birthday party ni Scarlett:




“Thank you so much, Follow That Star! SALAMAT PO SA PAGTUPAD SA PANGARAP KO!! Salamat po. Sobra po akong nag-enjoy!! Hindi ko po talaga expected yun.. Hehe! Sobra niyo po akong napasaya! Thank you po ulit! God bless po sa show niyo,” ang mensahe ni Wamela sa Facebook page ng “Follow That Star.”
Para sa kumpletong footage ng birthday party na ito ni Scarlett, tumutok sa “Follow That Star” ngayong Sabado, December 14, sa GMA News TV-11!
Para sa iba pang updates, i-like ang aming Facebook page at i-follow ang aming Twitter account.
Photo credits: Doug Kramer, Wamela Joy Paguio and Franklin Banogon
—Donna Allanigue/CM, GMA News
More Videos
Most Popular