ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Hamon ng Kalikasan: Hamon ng Bagyo


Sa loob ng isang taon, 18-20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility. Ang ilan, nakatatak na sa ating ala-ala at kasaysayan dahil sa pinsalang idinulot nito. Kabilang na rito ang delubyong nagpalubog sa Kamaynilaan noong September 2009 dahil sa Bagyong Ondoy na sinundan pa ng Bagyong Pepeng. Pagkalipas ng dalawang taon, sinalanta naman ng Bagyong Sendong ang Visayas at Mindanao kung saan mahigit isang libo ang namatay dahil sa flash flood at landslide. Sa dami ng buhay na nasawi, ito ang binansagang “deadliest typhoon” ng dekada.   Para mas makapaghanda sa hamon ng mga bagyo, mahalagang maunawaan natin kung ano nga ba ang natural na pangyayaring ito. Bakit nga ba suki ng bagyo ang ating bansa? Paano nga ba ito nagsisimula at paano natin malalaman kung magiging mapaminsala ba ito o hindi? Totoo nga bang mas malakas ang mga bagyong ipinangalan sa lalaki kaysa sa mga may pangalang pang-babae?   Kasama ang host at expertong totoo na si Nathaniel “Mang Tani” Cruz, ipaliliwanag ng episode na ito ang pamumuo ng isang bagyo. Iisa-isahin din ni Mang Tani kung ano nga ba ang kaibahan ng iba’t ibang terminolohiyang naririnig natin patungkol sa mga sama ng panahon. Paano naiiba ang tropical depression, sa isang tropical storm, sa typhoon at sa super typhoon?   Bagamat hindi natin puwedeng pigilan ang pamumuo ng bagyo, may mga paraan naman daw para mabawasan ang pinsalang resulta nito. Bibisitahin ni Mang Tani ang isang barangay sa San Mateo, Rizal na gumagawa ng mga sarili nilang paraan upang maging mas handa sa hamon ng bagyo. Kabilang na rito ang paggawa nila ng sarili nilang “flood hazard map” at pati ang pagtatayo nila ng isang istruktura na di umano ay puwedeng makapigil ng pagguho ng lupa sakaling dumating ang matinding bagyo.   Aalamin din natin kung bakit ayon sa PAGASA ay kulang na kulang pa ang kanilang mga kagamitan para sa mas maayos na pagsubaybay sa mga namumuong sama ng panahon. Bakit kaya humihingi pa sila ng 200 milyong piso para sa mga bagong kagamitan? Para saan ang ganito kalaking “investment,” ayon sa kanila?   Abangan ang mga kasagutan sa mga tanong na ito at iba pa sa Hamon ng Kalikasan ngayong Huwebes, October 4, 10:00-10:30 pm sa GMA News TV.

Tags: plug