ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Hamon ng Kalikasan: El Niño


HAMON NG KALIKASAN OCTOBER 18, 2012 EL NINO   Kasing tindi ng sikat ng araw ang problema ni Mang Valeriano, isang magsasaka sa bayan ng Alicia, sa Bohol. Sa edad na sisenta, pilit pa rin siyang kumakayod para may maipakain sa asawa at walo niyang anak. Pero pagkatapos niyang magbungkal ng lupa at magpunla ng palay, ni isang butil, wala siyang aanihin. “Nagpunla kami June pero pag-abot ng dalawang buwan, patay na punla namin dahil walang tubig ang sakahan, tuyo,” kuwento niya.   Si Mang Rogelio naman, tatlong oras nangisda sa laot ng Isla Subang, Bohol. Tagaktak na ang kaniyang pawis, pero pagdaong niya, mangilan-ngilang piraso lang ng isda ang kanyang nahuli. Hindi sapat para maibenta kaya ang inutang niyang nobenta pesos para pang-gasolina, hindi muna niya mababayaran. Pagtataka niya, “Noong unang panahon, maraming huli. Ngayon, wala na. Mahirap na huli ngayon.”   Sina Mang Valeriano at Mang Rogelio ay dalawa lamang sa libo-libong magsasaka at mangingisda sa bansa na nakadarama ng hirap dala ng matinding init. Ang tanong tuloy ng marami, ito nga ba ay dahil sa El Niño – ang matinding tagtuyo na sanhi ng pag-init ng tubig ng Karagatang Pasipiko, partikular na ang bahaging malapit sa equator kung saan matatagpuan rin ang Pilipinas?   Sa episode na ito, ipaliliwanag ni Mang Tani kung bakit nga ba nagkakaroon ng El Niño. Bakit nga ba kapag may El Niño ay nakararanas ng matinding init sa Pilipinas pero binabagyo naman ang ibang bahagi ng mundo? Ano ang kinalaman ng pangalan nito sa kapaskuhan? Higit sa lahat, may magagawa ba ang mga ordinaryong mamamayan para mapaghandaan ang epekto nito?   Bibisitahin din ng programa ang Philippine Rice Institute kung saan nagsasaliksik ang mga siyentipiko ng iba’t ibang uri ng palay na kayang mabuhay kahit kakaunti lamang ang tubig. Makikilala rin natin ang isang barangay sa Rodriguez, Rizal na gumawa ng paraan para ipunin ang tubig-ulan bilang paghahanda sa panahon ng tagtuyot. Bawat pamilya rito, may sapat na ipon ng tubig na tatagal ng dalawang buwan para sa limang miyembro. Paano kaya nila ito nagawa?   Samahan si GMA Resident Meteorologist Nathaniel “Mang Tani” Cruz sa kanyang pagtatanong, pagtuklas, pagsuri at pagtugon sa Hamon ng El Nino bukas, October 18, 10:00-10:30 pm (pagkatapos ng State of The Nation ni Jessica Soho) sa GMA News TV.
Tags: plug, mangtani