ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

‘I Juander’, bakit laging gumagawa ng New Year’s resolution si Juan?


‘Magpapapayat na ko.’

‘Mag-aaral na ‘kong mabuti.’

‘Hindi na ko male-late, PROMISE.’

Ilan lang ang mga ‘yan sa paulit-ulit nating naririnig tuwing sasapit na ang bagong taon. Para bang may dalang kakaibang enerhiya ang bawat taon na darating at tila marami sa atin ang naeengganyong gumawa ng pagbabago sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Pero ang tanong, napapanindigan ba natin iyo? Ano nga ba ang dahilan sa likod ng pagkakaroon ng New Year’s resolution sa bayan ni Juan?

Nakapanayam natin si Dr. Jimmuel Naval, isang Philippines studies expert sa University of the Philippines-Diliman, para mabigyang kasagutan ang mga katanungan na ito.

Sino ang nagdala ng konsepto ng New Year's resolution sa Pilipinas? At ano-ano ang konsepto nila rito?

Wala tayong konsepto ng New Year’s resolution bago pa dumating ang mga Espanyol. Ang nagdidikta lang sa atin na tapos na ang isang panahon noon ay ang kalikasan at kalawakan. Halimbawa diyan ang paglubog at pagsikat ng araw, pagbilog ng buwan, pamumulaklak ng mga halaman, at iba pa.

Ang konsepto ng New Year’s resolution ay dala ng mga Espanyol at ng mga Amerikano. Sinasabing nagsimula sa mga Babylonians ang konsepto ng New Year’s resolution kung saan pagpasok ng bagong taon ay dapat isauli ang mga hiniram na bagay at dapat daw magbayad ng utang ang mg may utang.

Mayroon ding tradisyong ganito sa Eastern Hemisphere sa pangunguna naman ng mga Tsino. Pero sa kanila, Chinese New Year naman ang sinusunod na nakabatay sa pagbilog ng buwan. Sa Romans naman, nagbibigay sila ng New Year’s resolution upang i-ulat sa Diyos nila na si Janus (kaya January) ang naganap sa kanila sa buong taon. Ang tradisyong ito ay bumaba sa Med civilization hanggang sa makarating sa Spain na nagdala sa atin.

Bakit kailangan ng New Year's resolution? Dahil ba ito sa relihiyon o iba pang paniniwala?

Mainly dahil sa pinaniniwalang relihiyon. Dahil itinakda ng kalendaryo ang bagong taon na nakabase sa pagsilang ni Kristo (Pasko). Ibig sabihin, magpapasko muna bago magbagong taon. Ang bagong taon ang kasabay ng pagpapalit ng kalendaryo na katapusan ng isang pag-ikot ng mundo sa kalawakan.

Dahil maraming nagaganap sa buong taon tulad ng giyera, salot at iba't ibang kalamidad, ang pagpasok ng bagong taon ay pagbibigay tuldok sa mga masamang naganap at humihiling tayo na huwag na itong maulit sa susunod na taon. Kaya tayo gumagawa ng resolution para iwasan nang mangyari ang mga naganap noong nakaraang taon.

Ganoon din sa feng shui, humihingi tayo ng tulong sa iba't ibang espiritu na maging mabuti ang darating na taon at sapian tayo ng suwerte tuwing bibilog na muli ang buwan.

Bakit ang hilig ng mga Pilipino na gumawa ng resolution kada taon kahit 'di naman ito laging nagagawa?

Actually ang New Year’s resolution ay isang pagsi-set ng goal for the year. Ito rin ay renewal ng mga dating resolution noong nakaraang taon. Ang paggawa natin ng resolution ay isang anyo ng pagtanggap na hindi naging maganda, mabuti, suwerte at maalwan ang naging buhay natin last year. At ang muling pagse-set nito ay isang anyo naman ng paniniwalang nagtitiwala pa rin tayo sa lumikha sa atin o sa Diyos na Maykapal.

Bakit hindi natutupad ang mga resolusyon? Hindi kasi ito measurable, realizable o doable. Pero ang pagsi-set ng resolusyon kada taon ay isang hakbang na upang matupad ang mga ito sa hinaharap. Kahit di mo masunod taon-taon, at least may tina-target kang dapat mong sundin.---BMS, GMA Public Affairs