Mga pagkaing patok ngayong 2016, tampok sa 'I Juander'

I Juander, ano-ano ang mga pagkaing papatok sa 2016?
Ngayong bagong taon, out with old and in with the new!
Kaya naman sa unang pasabog ng I Juander ngayong 2016, aalamin at siyempre titikman din nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario ang mga pagkaing mauuso sa Year of the Red Fire Monkey.
Para maganda ang pasok ng taon, bakit hindi raw lantakan ang mga pagkaing malalamig at iyong mga kulay asul. Ang mga ito raw kasi, makapag-iimbita umano ng suwerte! Samantalang ang mga pagkaing natira mula sa nakalipas na handaan, huwag itapon! Alamin kung paano ito magagamit sa pagluluto ng bagong mga putahe!
Sa taong ito, sinasabing papatok din daw ang mga putaheng Pinoy with a twist! Gaya ng Kimchinigang o yung sinigang na sinahugan ng kimchi! Ang sisig naman, ginagawa na rin toppings sa pizza! Samantalang ang beef tapa at kare-kare, isinasahog na rin sa pasta!
Juander no more sa lasa ng mga putaheng ito. Dahil ang mga 'yan ang bibida sa I Juander ngayong Miyerkules, alas-otso nang gabi sa GMA News TV!
