Kababalaghang kaugnay ng Payumo massacre, aalamin ng 'iJuander'
I Juander, ano ang kababalaghan sa likod ng ilang mga krimen sa bayan ni Juan?
May ilang mga krimen dito sa bayan ni Juan na talaga namang kahindik-hindik. Kaya nga ang mga biktima, hindi raw matahimik. Mga espiritung nananatili sa lupa --- at naghahanap umano ng hustisya. Ito ang iimbestigahan nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario sa ikatlong bahagi ng I Juander Buwan ng Kababalagahan Horror Special.
Taong 1995 nang mangyari ang Payumo Massacre sa isang bahay sa Sta. Rosa, Laguna. Apat na miyembro ng kanilang pamilya ang walang-awang pinagsasaksak. Sa ngayon, pinauupahan na ang mismong bahay kung saan nangyari ang krimen. Pero tumagal kaya ang mga boarder sa kabila ng mga kababalagahang nagaganap umano rito? Ano kaya ang kuwento sa pinangingilagan nilang dining table at bakit kakaiba ang pakiramdam nila rito?
Noong isang taon naman, isang lalaking lulong umano sa droga ang walang awang pinagpapatay ang tatlo niyang anak. Nang sumunod na araw --- nagbigti ang mismong suspek. Sa ngayon, nagmumulto umano ang kanilang mga espiritu sa kuwarto kung saan nangyari ang mismong krimen. Bakit kaya tila hindi pa rin sila matahimik?
Alamin ang misteryong bumabalot sa mga krimeng ito. Panoorin ang ginawaran ng Catholic Mass Media na Best News Magazine Program, ngayong Miyerkules, alas-otso nang gabi sa GMA News TV.