Paano mamuhay nang babad sa baha, sisiyasatin ng 'Investigative Documentaries'
Nakikita natin sila sa telebisyon na nagsisiksikan sa evacuation centers. Ang iba ay nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay, ayaw iwan ang mga natitirang tuyong gamit. Pero lampas sa tig-iisang minutong report sa telebisyon at radyo, paano ba mamuhay sa isang bahay, sa isang komunidad, na babad sa baha? Saan itinatapon ang kalat, ang mga dumi ng katawan sa isang lugar na wala sa ayos ang kapaligiran? Saan matutulog kung walang papag o palapag na tuyo?
Sa nakalipas na buwan, parang hindi na nakaahon sa baha ang Pilipinas. Marami ang tila buwan pa ang bibilangin dahil di pa bumababa ang tubig sa kanilang komunidad. Isa na rito ang probinsiya ng Pampanga. Walumpung porsiento halos ng probinsiya ay lumubog sa baha dahil sa ulan dala ng habagat. Numero uno ang probinsiya sa listahan ng flood-prone areas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa Minalin, hindi pa rin bumababa ang baha. Isang buwan na ring di nakakapasok sa eskuwela ang mga estudyante rito. Pati simbahan, ospital at ibang tanggapan ng gobyerno, paralisado. Alamin paano mamuhay sa baha sa Investigative Documentaries kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas sa Huwebes, ika-walo ng gabi sa GMA News TV Channel 11.