INTERACTIVE QUIZ: Kaya mo bang sumunod sa batas-trapiko?
Sa dami ng sasakyan sa ating mga daan, kasing dami rin nito ang mga taong nagmamaneho ng mga sasakyang ito. Ang tanong, nakasisiguro ba tayong ang bawat motoristang humahawak ng manibela ay may sapat na kaalaman para umarangkada sa kalsada?
Mukhang hindi naman nagkukulang ang gobyerno sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa tamang pagmamaneho. Bahagi ng proseso ng pagkuha ng driver’s license sa Land Transportation Office (LTO) ang libreng driver’s education.
“Before you get a non-professional or professional driver’s license, kailangan mag-undergo ka ng one-hour seminar para turuan ka ng road signs at basic know-how sa pagmamaneho,” paliwanag ni Jayson Salvador, LTO Spokesperson.
Ngunit sa nakalap na datos ng "Investigative Documentaries," halos 250 aplikante ng driver’s license ang dumaragsa sa LTO kada araw, pero 150 lamang ang pumapasa dahil kulang pa raw kasi ang kaalaman ng ilan sa mga batas-trapiko.
Mahalaga ang kaalaman sa batas-trapiko dahil kaakibat ng pagkakaroon ng lisensya ang mabigat na responsibilidad sa kalye. Bawat pagpihit ng manibela, hindi lamang buhay ng driver ang nakasalalay kundi pati na rin ang buhay ng mga pasahero at mga tumatawid.
Noong 2012, sa bilang ng University of the Philippines National Center for Transportation Studies (UP NCTS), 973,240 ang bilang ng aksidente sa kalsada noong 2012. Fatal o nagdulot ng pagkamatay ang 8,180 sa bilang na ito, habang 93,820 naman ang nagtamo ng serious injury. Sa tala ng Philippine Nationa Police Hi-Way Patrol Group, human error ang nangungunang sanhi ng aksidente sa kalsada. May bilang na 9,910 ang aksidenteng kaugnay nito.
Mahigit P100-B ang nawawala sa mga Pilipino dahil sa aksidente sa kalye, ayon sa UP NCTS. Pero hindi lamang sa mga aksidente naapektuhan ang bansa. Ayon sa Japan International Cooperation Agency, mahigit P200-B naman ang nawawala sa Pilipinas dahil sa mabagal na daloy ng trapiko.
Ikaw, ka-ID, isa ka ba sa mga pasaway sa kalye na nakadadagdag sa kabuuang problema sa kalsada? O isa ka ba sa mga may sapat na kaalaman at pakundangan sa batas trapiko? Alamin sa quiz na ito.
— Interactive quiz by Analyn Perez/CM, GMA News
Ka-ID, ano ang score na nakuha mo sa quiz na ito? Ibahagi sa aming Twitter account: twitter.com/ID_NEWSTV