ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV
'Angkan: Tan ng Samar' sa 'Investigative Documentaries'
ANGKAN: TAN NG SAMAR
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
November 13, 2014



Ang Samar Provincial Hospital, sa unang tingin ay hindi nalalayo sa kondisyon ng mga pasyente nitong maysakit na kailangang gamutin. Katabi ng tambak na basura ang kuwarto ng mga pasyente. Barado rin ang mga banyo sa ward ng ospital. Sa pagsusuri ng Department of Health o DOH ngayong taon, bagsak ang Samar Provincial Hospital. Mula sa pagiging level 2 hospital noong 2012, bumaba ito sa level 1 hospital. Ibig sabihin hindi sapat ang kakayahan ng ospital para tumugon sa mas mataas na antas ng serbisyong medical tulad ng pag-oopera. Kulang ito sa gamit pati sa nars at doktor.

Sa Western Samar lang makikita ang ganitong disenyo ng waiting shed, personalized ika nga. Mapapansin ang letrang “M” at “T” sa gilid nito, proyekto kasi ito ni dating Governor Milagrosa Tan na kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng probinsiya. Ang ibang waiting shed ay may banyo pa. Ayon sa Commission on Audit o COA, halos isang milyong piso ang halaga ng bawat waiting shed. Mas mahal pa ito kung ikukumpara sa presyo ng isang classroom na ipinatayo rin ng kapitolyo sa parehong taon.
Isa pa sa mga proyekto ng kapitolyo ang paggawa ng kalsada sa Barangay Pangdan sa Catbalogan City. Disyembre 2007 nagsimula ang kontrata, natapos ito noong Hunyo 2008. Sa inspeksyon ng COA, nakasaad na 100% accomplished na ang proyekto pero delayed ito ng 18 araw at hindi malinaw kung ilang kilometro ang kalsada. Pinuntahan namin ang nasabing kalsada, masukal na ito at habal habal lang ang kayang dumaan dito. Delikado rin sa tuwing umuulan dahil matarik at maputik dito.
Kilalanin ang angkan ng mga Tan ng Samar at alamin ang kondisyon ng kanilang nasasakupan sa loob ng maraming taon na sila ang may hawak ng kapangyarihan. Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, 8:00 ng gabi, kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.
More Videos
Most Popular