ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Ano ang iba't ibang paraan para mapangalagaan ang barangay?


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
5 February 2015 Episode
BARANGAY

Ang barangay ang unang takbuhan kapag may kailangang resolbahin sa komunidad. Si Kapitan ang unang nilalapitan para sumbungan ng mga problema tulad ng away sa utang, nakawan at kung minsan kahit mga simpleng bagay na pwede naman palampasin.
 
Ang Bagong Silang sa Caloocan City ang pinakamalaking barangay sa bansa. Mahigit 200,000 ang populasyon nito. Rumuronda ang mga tanod para sugpuin ang mga krimen na maaring mangyari kapag gabi. Bukod sa 20 tanod ng barangay ay may mahigit isang libong volunteer na tanod.
Isa sa mga binabantayan ng barangay ang mga tambay lalo na ang mga menor de edad. May curfew kasi mula alas diyes ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga. Sinisita rin nila ang mga lasing at nag-inuman sa kalye. Madalas ding may riot sa lugar. Ang barangay nila ang may pinakamaraming naitalang krimen sa buong Caloocan.

Ang paglalagay naman ng CCTV camera ang paraan ng Barangay Commonwealth sa Quezon City para bantayan ang kanilang barangay. Ito ang pangalawa sa pinakamataong barangay sa bansa. Halos 200,000 ang populasyon nito. Mahigit sa tatlumpung CCTV camera ang ikinabit sa paligid ng barangay noong Setyembre 2014.
May mga barangay naman na tahimik dahil epektibo ang programa ng barangay. Isa na rito ang Barangay Bagong Katipunan sa Pasig City, na kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang isa sa pinakamapayapang barangay sa buong bansa. Bihira ang mga reklamong idinudulog sa barangay at may mga pagkakataon pa na wala talagang krimen sa loob ng isang buwan.
Ginagawa ba ng mga opisyal ng barangay ang kanilang tungkulin para mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa nasasakupan? Alamin ang sagot ngayong Huwebes, 8:00 ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.