ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Kalagayan ng mga yumao at kanilang mga inulila, susuriin sa 'Investigative Documentaries'


Patay
October 29, 2015 


Mahigit sa 1,000 Pilipino ang namamatay araw-araw. Ang problema, marami ang hindi handa sa gastos para sa isang disenteng libing. Hindi kasi biro ang halagang kakailanganin sa tuwing may mamamatay tayong mahal sa buhay.

Sa libingan pa lang, hindi bababa sa P5,000 ang pinakamurang presyo nito. Dagdag pa rito ang gastusin sa burol katulad ng kabaong at mga pagkain ng nakikiramay. Kung susumahin, mababa na ang P10,000 para mabigyan nang maayos na burol at libing ang namatay na kaanak.  
 

Karaniwang takbuhan ng mga namamatayan ang mga politiko. Umaasa sila sa tulong pinansyal na pwedeng ibigay ni mayor o congressman at iba pang nasa puwesto. Hindi pare pareho ang halagang ibinibigay ng politiko. May burial assistance rin na ibinibigay ang Social Welfare Department ng mga Local Government Unit o LGU. Pinakamababa na ang P3,000 cash na matatanggap ng kaanak.

Mayo 2015, kumalat sa Social Media ang litrato ng isang kabaong na may nakaimprentang pangalan ni Mayor TJ  Rodriguez Jr. ng Capas Tarlac. Ilan sa mga kababayan natin, hindi natuwa sa laman ng litrato. Tinawag na ‘epal’ ng ilan si Mayor. Pero ayon mismo kay Mayor Rodriguez, hindi pampapogi ang dahilan ng paglalagay niya ng pangalan.


May iba ring sinasamantala ang pagkamatay ng kapwa para kumita. Ito ang modus ng patay gang na humihingi ng abuloy sa mga pasahero ng pampublikong sasakyan. Ang perang nakokolekta hindi naman sa kaanak ng namatayan napupunta kung hindi sa sarili nilang bulsa.
 
Tumutok sa Investigative  Documentaries  ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11! 
Tags: plug