Political clan sa Real, Quezon, kilalanin sa 'Investigative Documentaries'
ANGKAN: DIESTRO NG REAL, QUEZON
4 August 2016 Episode

Sa loob ng halos 50 taon, hindi nawala sa politika ang angkan ng mga Diestro sa Real, Quezon. Noong 1967 unang manungkulan ang isang Diestro bilang konsehal. Sa kasalukuyan, tatlong miyembro ng kanilang pamilya ang may posisyon. Galing sa angkan ang mayor, vice mayor at isang barangay captain.
Sa kabila ng tagal sa puwesto ng mga Diestro, hindi pa rin maayos ang suplay ng tubig sa bayan. Kulay putik ang tubig na lumalabas sa gripo ng mga residente lalo na kapag umuulan.

Noong 2008, halos 2,000 residente ang nagkasakit ng typhoid fever, isa ang naitalang namatay. Ang dahilan ng kanilang pagkakasakit ay ang nainom na maruming tubig galing sa Real Municipal Water System ayon sa Department of Health.

Noong 2009, may nakalatag nang plano ang noo’y Mayor Joel Diestro para ayusin ang water supply system sa Real. Hanggang ngayon, hindi pa rin ito naipapatupad.
May iba pang isyu na kinakaharap ang angkan; ang diumano’y ghost employees ng munisipyo at kwestiyonableng mga proyekto. Ang lahat ng ito sasagutin ng mga Diestro.
Suriin ang pamumuno ng mga Diestro sa Real Quezon at alamin kung bakit patuloy silang tinatangkilik ng kanilang mga kababayan.
Huwag kaligtaang manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.