Kahalagahan ng wika, tatalakayin sa Investigative Documentaries
Awit at Wika
1 September 2016 Episode

Maraming kantang Pinoy sa palaruan ng mga bata. Dati, Bahay Kubo ang isa sa mga unang kantang natutunan sa bahay. Maging sa paaralan, itinuturo ito. May mga nakasanayan ding laro na ginagamitan ng kantang ito.
Sa paglipas ng mga taon, naging iba-iba ang bersyon ng mga kantang pambata. May bersyong a capella, rock, classical. May mga bago rin. Nariyan ang 'Pak Ganern' na hindi lang pagpalakpak ang kailangan, may kembot na rin.
Inalam namin kung kilala pa ng ating mga Kapuso ang mga kantang pambata.

Kung awiting pambata ay nagbabago, ganoon din ang wika. Sa loob ng classroom, apat na dekada na si Mila Villanueva sa pagtuturo ng Filipino. Napansin niya ang madalas na pagkakamali ng mga estudyante sa pagbaybay at balarila o grammar. Malaki raw ang epekto ng teknolohiya sa pagpurol ng ilang mag-aaral.
Sinubukan ng ID ang husay sa pagbaybay ng mga estudyante. Malawak pa ba ang kaalaman nila sa sariling wika?
Abangan iyan sa Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.