Mga lumang teatro sa bansa, susuriin ng Investigative Documentaries
NAPABAYAANG KAYAMANAN
27 JULY 2017 Episode

Dalawang dekada na nang huling bumaba ang telon sa Metropolitan Theater sa Maynila. Itinayo ito noong 1930, sa disenyo ng sikat na arkitekto na si Juan Arellano.

Grand Old Dame of Manila kung tawagin ang teatro. Ito kasi ang sentro ng opera, pelikula at zarzuela noon. Napinsala ito noong ikalawang digmaang pandaigdig at muling binuksan noong 1978. Si dating unang ginang Imelda Marcos ang nanguna sa pagpapaayos nito sa pondong P30 million.
Noong 1996 ay muli itong isinara. Ang pera kasing ginastos para ito ay ayusin ay inutang mula sa Government Service Insurance System (GSIS). Ang teatro mismo ang naging prenda sa utang.
Mayo 2015 ay naglaan ang Department of Budget and Management (DBM ) ng P270 million mula sa national endowment fund for culture and the arts para mabili ang MET mula sa GSIS.

Inilipat na sa National Center for Culture and the Arts (NCCA) ang karapatan sa teatro para masimulan ang pagkumpuni rito.

Maisasalba pa kaya ang luma nang teatro na naging sentro ng maalab na kultura natin? Alamin ang sagot ngayong Huwebes, alas otso ng gabi.Manood ng Investigative Documentaries kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.