ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Anting-anting, kasaysayan at iba pa sa Biyaheng Cavite ng Motorcycle Diaries!


Daan Pabalik sa Kasaysayan: Biyaheng Cavite Part 1 Motorcycle Diaries Independence Day Special Airing June 8, 2012 8pm Sa paggunita natin sa ika-114 na anibersaryo ng ating kasarinlan, angkas na sa biyahe ni Jay Taruc patungo sa tinaguriang Historical Capital ng Pilipinas, at kung saan unang iwinagayway ang watawat na sumisimbulo sa ating kalayaan, ang probinsya ng Cavite. Naging malaki man ang papel na ginampanan ng Cavite sa ating kasaysayan, hanggang ngayon tila hindi pa rin namamatay ang debate sa pagitan ni Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo. Sino nga ba ang mas maituturing na bayani? Aalamin ni Jay ang saloobin ng mga Kabitenyo sa mata ng mismong mga apo ng kauna-unahang pangulo ng Pilipinas na si Aguinaldo, at ng ama ng Himagsikan na si Bonifacio. Makikilala rin ni Jay ang ilan sa mga kilalang Kabitenyo na nagbunsod ng pagbabago sa lalawigan, at nagbigay karangalan pa sa buong bansa. Sasamahan ni Jay si Efren Penaflorida sa pagtutulak ng Kariton Klasrum, at kakamustahin ang estado ng Cavite at ng mga political clans dito, mula mismo sa "ama" ng lalawigan na si Gov. Jonvic Remulla. Bahagi na rin ng kultura ng mga Kabitenyo ang mga anting-anting, pero gaano nga ba katotoo ang bisa nito? Sa bayan ng Alfonso makikilala ni Jay ang isang grupo ng mga mananayaw na patunay raw ng bertud ng agimat, na nagbibigy sa kanila diumano ng proteksyon habang sumasayaw sa nagbabagang apoy! Hindi tayo tuluyang makakasulong sa nais paroonan kung hindi tayo marunong magbalik-tanaw sa ating nakaraan. Kaya naman angkas na sa biyahe ni Jay pabalik sa kasaysayan at baunin ang mga aral nito patungo sa hinaharap.
Tags: plug, cavite