ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Huling yugto ng Biyaheng Aurora, ngayong Biyernes na!


 
Sa ikalawang bahagi ng pagtuklas ng pag- arangkada ng Motorcycle Diaries sa probinsya ng Aurora, makikilala rin ni Jay ang ilan pang mga Auroranon na magsisilbing inspirasyon sa karamihan dahil sa kanilang mga kuwento ng determinasyon at pagpupunyagi. Isa na si Joey na kahit putol ang dalawang kamay at isang paa dahil sa kapansanan, nagagawa pa ring magpatakbo ng motorsiklo at magtrabaho para sa pamilya.
 
Makakasalamuha din ni Jay ang miyembro ng isa sa pitong pamilyang nakaligtas sa tsunami na bumayo sa Aurora noong 1735.  At kakamustahin din ni Jay ang mga taong una nating sinasandigan para sa mga impormasyon tuwing may bagyong paparating, ang mga PAGASA weathermen ng Aurora.  
Alamin din ang malalim na kasaysayan ng probinsiya. Bibisitahin ni Jay ang Ancestral House nina dating Pangulong Manuel L. Quezon at asawa nitong si Donya Aurora Aragon-Quezon.  Sisilipin din ni Jay ang kotseng minsang nagtaglay ng plakang numero uno, ang presidential car ni dating Pangulong Quezon.
 
Mamamalas naman ang makulay na kultura ng Aurora sa larangan ng sining. Papasyalan ni Jay ang Artist Village – isang kanlungan ng mga alagad ng sining na matatagpuan sa gitna ng kagubatan. Dito makikilala ang isang katutubong Ilongot at malalaman kung paano niya ipinipreserba ang kanilang tradisyon sa pamamagitan ng pagpipinta. 
 
Tiyempo rin ang pagpasyal natin sa Aurora dahil inabutan ni Jay ang pagdiriwang ng Sabutan Festival! Ang maindak na sayawan sinabayan pa ng  masayang tugtugan para ipagdiwang ang pagkilala sa halamang  sabutan, na pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.
 
Makakasama rin ang grupo ng riders na nagsisilbing ‘pulis pangkalikasan’– ang The Noble Blue Falcons Environmental Patrolers!Gamit ang motorsiklo, iniikot nila ang probinsiya para pangalagaan at bantayan ang kapaligiran.  Pupuntahan ni Jay, kasama ang grupo, ang pinakamalaking puno ng balete sa Southeast Asia. Karaniwang apatnapung tao ang kailangang maghawak kamay para mayakap ang puno.
 
Angkas na sa huling yugto ng ating Biyaheng Aurora, ngayong Biyernes 8:00 PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!
Tags: plug, aurora